Ibinalita ng singer-actress na si Zsa Zsa Padilla sa kanyang Twitter account na benign ang nakuhang tumor sa kanyang kidney. Sumailalim sa operasyon si Zsa Zsa noong August 27 upang tanggalin ang kanyang bukol sa bato matapos siyang ma-diagnose ng Stage 1 kidney cancer.

Photo: Noel Orsal

Benign—ibig sabihin ay hindi cancerous—ang nakuhang bukol sa kidney ng singer-actress na si Zsa Zsa Padilla.

Ito ang ibinalita ng Divine Diva sa kanyang personal Twitter account kahapon, August 29.

Sumailalim sa operasyon si Zsa Zsa sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles, California noong Lunes, August 27 (U.S. time).

Ito ay isinagawa upang tanggalin ang mala-golf ball na bukol sa kanyang bato, matapos siyang ma-diagnose ng Stage 1 kidney cancer.

Dalawang araw pagkatapos ng operasyon ay nag-tweet si Zsa Zsa upang ipaalam ang magandang balitang ito:

"My doctors woke me up from my nap to say that pathology got back to them and the tumor taken out was benign! I am overjoyed with the news!"

Pagkatapos nito ay nagpaabot ng pasasalamat si Zsa Zsa sa mga bumati at nagdasal para sa kanya.

"Good morning from LA. I will check out this morning. Still overwhelmed with joy about the good news. Thank you all for your messages of love and support. God is good, all the time. ♡"

Kabilang sa mga pinasalamatan niya sa Twitter ay sina Sharon Cuneta, Gary Valenciano, Aiza Seguerra, at Direk Andoy Ranay.

Hindi rin nakaligtaan ni Zsa Zsa na paalalahanan ang kanyang mga kaibigan at followers na manood ng kanyang pelikula, ang I Do Bidoo Bidoo, na nagbukas sa mga sinehan kahapon.

Hindi nakadalo si Zsa Zsa sa premiere at advance screenings ng pelikulang pinagbibidahan nila nina Gary, Ogie Alcasid, at Eugene Domingo, dahil nasa Amerika nga siya para sa kanyang operasyon.