Baron Geisler on how it feels like to be acting again: "Ang sarap magtrabaho. I’m working now…What keeps me focused is I really wanna save this time, e. Lahat ng mistakes ko before, parang gusto kong itama. Like, save money and get my mom a house. Tuluy-tuloy lang."

Photo: Monching Jaramillo

Noong Marso ay nanalo si Baron Geisler ng Best Supporting Actor sa Star Awards for Movies para sa pagganap niya sa pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (2011).

Matapos niyang gawin ang pelikulang ito, na pinagbidahan ni Laguna Governor ER Ejercito, ay natagalan bago nasundan ang proyekto ni Baron.

Kaya naman laking-pasasalamat daw ng aktor nang alukin siyang maging bahagi ng horror film na Pridyider, na isang produksiyon ng Regal Films.

Sa presscon ng pelikula noong Martes, August 28, sa Imperial Palace Suites sa Tomas Morato, Quezon City, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Baron.

Kuwento niya, “Actually, kelan ba kami nag-shoot? Nung ginagawa ko ‘tong Regal film na ‘to, wala akong project, e.

“So, you know, I was happy na dumating ‘to cause I was feeling a bit sad na.

“Parang, 'What’s going on? Parang walang kuwenta yata yung pagiging good boy ko. Walang nangyayari.'

“But eventually, God is so good, He was testing my patience.

“Lahat sabay-sabay... and I also have a TV show coming up soon.

“It’s really secret, but it’s big.”


SEVEN FILMS AND A TV SHOW. Kung noon ay naghihintay siya ng kasunod na proyekto, ngayon daw, bukod sa Pridyider, ay pito raw ang nakalinyang pelikula na gagawin ni Baron.

Kabilang dito ang Lihis ni Direk Joel Lamangan; kunsaan makakasama niya sina Jake Cuenca at Lovi Poe.

Si JM de Guzman, na kasama niya sa Pridyider, ay makakasama ni Baron sa biopic ng Filipino saint na si Pedro Calungsod. Sa ilalim naman ito ng direksiyon ni Francis Villacorta.

Muli ring makakasama ni Baron si Governor ER Ejercito sa El Presidente, na tungkol naman sa buhay ni General Emilio Aguinaldo.

Horror naman ang tema ng Sapi, sa ilalim ng direksiyon ni Brillante Mendoza. Makakasama niya rito sina Dennis Trillo at Meryll Soriano.