Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang anak na babae nina Rizal Governor Junjun Ynares at Andrea Bautista, si Audrey Anne, noong Miyerkules, August 29. Si Audrey ay walong buwan pa lamang sa sinapupunan ni Andrea nang bawian siya ng buhay. Dumalo sa libing ang mga kaanak nina Governor Junjun at Andrea, kabilang na sina Senator Bong Revilla at dating Senator Ramon Revilla Sr.

Photo: Gorgy Rula

Isang panibagong trahedya na naman ang dumating sa pamilya Revilla at Ynares nang namatay ang sanggol na ipinagbubuntis pa lamang ni Andrea Bautista-Ynares, maybahay ni Rizal Governor Junjun Ynares.

Walong buwan na sa sinapupunan ni Andeng (palayaw ni Andrea) ang sanggol at magsisilang na sana siya sa Setyembre.

Noong Biyernes, August 24, ay nagpa-check-up si Andeng sa kanyang OB-Gyne dahil naramdaman daw niyang parang mahina ang galaw ng kanyang baby.

Sa ultrasound, nalamang patay na pala ang sanggol sa sinapupunan ni Andrea dahil sa pagkapulupot ng umbilical cord sa kanyang paa na naging dahilan ng hindi pagdaloy ng dugo nito. 

Kaagad na isinugod sa hospital si Andeng upang operahan at tanggalin ang patay na sanggol sa kanyang sinapupunan.

Iyak nang iyak si Andeng pagkatapos siyang operahan, at hinintay na lang siyang lumabas ng hospital para bigyan nang maayos na libing ang baby.

Pangatlo sanang baby girl ito nina Andeng at Governor Ynares.

Pinangalanan nila ang sanggol ng Audrey Anne.

Si Andrea o Andeng ay anak ni former Senator Ramon Revilla Sr. at nakababatang kapatid ni Senator Bong Revilla Jr.

Naging child star din siya noon at lumabas sa mga pelikulang Dang-Dong (1980) at Tropang Bulilit (1981).

Isa si Andeng sa namamahala sa Imus Productions, ang film company na pag-aari ng pamilya Revilla-Bautista.

Si Casimiro "Junjun" Ynares III naman ay kasalukuyang gobernador ng bayan ng Rizal.


NECROLOGICAL SERVICE. Inilibing si Audrey Anne Bautista Ynares noong Miyerkules ng hapon, August 29, sa mausuleo ng pamilya Bautista sa Angelus Memorial Park sa Imus, Cavite.

Dinaluhan ito ng buong pamilya nina Andeng at Governor Junjun, na kagaya nila ay nagdadalamhati rin sa pagkamatay ng isang bagong miyembro sana ng kanilang pamilya.

Kabilang sa nakipaglibing si dating Senator Ramon Revilla Sr., ama ni Andeng, na ilang beses naming nakitang umiyak.