Hindi raw pinagsisisihan ni Jackie Rice na tinanggihan niya ang offer noon sa kanya ng ABS-CBN at manatili sa GMA-7. Saad niya, “Okey naman ako dito, e. Inaalagaan naman nila ako. Pero may mga nagsasabi nga sa akin na yung kapayatan ko ngayon, pang-ABS-CBN na raw. Yun ang sinabi nila sa akin. Hindi naman ako nagsisisi na tinanggihan ko yung offer."

Photo: Noel Orsal

Ngayong tapos na ang airing ng GMA-7 afternoon soap na Kasalanan Bang Ibigin Ka?, isa na lang ang natitirang regular TV show ni Jackie Rice—ang gag show na Bubble Gang.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jackie noong nakaraang linggo, sa compound ng GMA Network Center, sinabi niyang wala pa siyang bagong drama show.

Kaya naman ang pinagkakaabalahan niya ngayon ay mamasyal sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Katunayan, pagkatapos ng interview namin ay dumiretso siya sa Baguio.

Hindi lang daw sa Pilipinas nahihilig mamasyal si Jackie kundi sa abroad din; gaya sa Thailand, Malaysia, Hong Kong, at Singapore.

Sabi ng 21-year-old actress, “Sinasamantala ko lang naman na magbakasyon at mamasyal habang wala pang project.

“Kasi pag may work naman ako, naka-focus naman ako sa ginagawa ko.”

Tanggap daw ni Jackie kung sakali mang hindi magkakasunod ang acting assignments niya sa GMA-7.

“Wala naman akong reklamo, steady lang ako. Masaya naman ako kasi kakatapos nga lang ng show ko.”

Tatlong taon pa raw ang natitirang kontrata ni Jackie sa GMA-7.

Ano bang klaseng proyekto ang gusto ni Jackie na ibigay sa kanya ng GMA-7?

“Kahit ano naman, e,” sagot niya.

“Tayo naman, basta may trabaho. Wala talaga akong pinipili. 

“Sa plano nila… I’m sure maganda ang plano nila sa akin kasi dito ako nakilala, e,” sabi niya.

NO MORE PASAWAY. Mukhang nag-mature na nga si Jackie at nais na nitong seryosohin ang showbiz career niya.