“Hindi naman po ako affected. I know who I am. Sobrang safe po ako sa kung sino ako. I’m a woman and standing for who I am. Kaya po siguro hindi ako nase-shaken kasi sobrang secure ako sa sarili ko," pahayag ni Yeng Constantino tungkol sa gender issue na ipinupukol sa kanya.

Photo: Allan Sancon

Si Yeng Constantino ang itinanghal na Female Rock Artist of the Year sa PMPC 4th Star Awards for Music na ginanap noong Linggo, September 9, sa Meralco Theater.

Napanalunan ni Yeng ang award para sa album niya sa Star Records na Yeng Versions Live.

Pangalawang award na ito ni Yeng mula sa PMPC; ang una ay noong 2010 nang nasungkit niya ang Abum of the Year para sa kanyang Lapit album.

Ito ang unang pagkakataon na natanggap ni Yeng nang personal ang kanyang award mula sa Star Awards for Music dahil hindi siya nakadalo noong 2010.

STICKING TO HER GENRE. Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Yeng sa backstage ng Meralco noong Linggo pagkatanggap niya ng tropeyo.

Pag-amin ng pop-rock singer, akala niya ay ang pagiging diva ang tatahakin ng kanyang career pagkapanalo niya sa Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN noong 2006.

“Natutuwa ako kasi may mga oras na noong unang kakalabas pa lang ng Academy, feeling ko kailangan kong maging diva, kailangan kong maging balladeer.

"Kasi yun ang uso sa Pilipinas.

“Pero I’m happy sa naging desisyon namin, sa naging desisyon ko na mag-stick doon sa genre ko kasi that’s who I am.

“Kasi kahit medyo mahirap na… alam naman natin dito sa Pilipinas na ang mga diva, sila yung may malalaking concert, sila yung may mga ganito.

"Magiging mahirap ito for me kasi hindi nga yun ako.

“Pero I’m happy dahil parang another fuel ito sa akin to just go on at gumawa ng mga kanta at maging honest lang sa music ko.

“Ang saya-saya ko talaga,” saad niya.