“Ang masasabi ko lang, I have never lost faith in love,” says Jodi Sta. Maria when asked why she seemed very quiet about her lovelife.

Photo: Noel Orsal

Napatigil sandali ang Be Careful With My Heart lead actress na si Jodi Sta. Maria nang tanungin ng media tungkol sa lumabas na balitang nakita silang magkasama ni Jolo Revilla sa Hong Kong kamakailan.

Sa thanksgiving press conference ng ABS-CBN daytime show kaninang tanghali, Setyembre 11, sinubukan ng mga naimbitahang media na kumpirmahin ang balitang ito, subalit hindi ito diretsahang sinagot ni Jodi.

Pero pag-amin niya, “I was in Hong Kong, yes.”

Nang subukan muli itong tanungin ng media, napangiti si Jodi at sinabing: “Ayun, Be Careful With My Heart.”

Patuloy pa rin kasi ang pag-uugnay kay Jodi at sa anak nina Senator Bong Revilla at Representative Lani Mercado na si Jolo Revilla, subalit wala pang pag-amin o pagtanggi ang dalawa.

(CLICK HERE to read related article.)

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na si Jodi ay hiwalay na sa kanyang asawa na si Pampi Lacson mula pa noong nakaraang taon. Mayroon silang anak na lalaki.

Si Jolo ay may anak ding lalaki mula sa pagkabinata, na bunga ng naging relasyon nito sa dating girlfriend na si Grace Adriano, anak ng aktres na si Rosanna Roces.

"I AM READY." Sa presscon ng kanyang teleserye ay tinanong si Jodi kung handa na ba siyang umibig muli.

“I guess I am," maikli ngunit nakangiting sabi ni Jodi.

Tikom man ang bibig ng aktres sa napapabalitang lovelife niya, ibinahagi naman niya na may patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa kanya—ang anak niyang si Thirdy.

Sabi ng aktres, “Siya yung inspiration ko na… para sa kanya ako gumigising every day.”

Bagamat maingat na ngayon si Jodi sa pagsasalita tungkol sa kanyang lovelife, siniguro naman niya sa media na: “I have never lost faith in love.”



BE CAREFUL WITH MY HEART REWIND. Samantala, hinikayat naman ni Jodi na ang mga manonood na muling tunghayan ang simula ng istorya ng  Be Careful With My Heart sa gagawing weekly replay nito.

Ayon kay Jodi, nagkaroon ng tinatawag nilang “Sabado Rewind” para sa programa dahil na rin sa hiling ng mga manonood.