Bumalik na ng bansa ang Superstar na si Nora Aunor mula sa matagumpay na paglahok ng pelikula niyang Thy Womb sa 69th Venice International Film Festival. Hindi man nakamit ni Nora ang best actress trophy sa mismong kumpetisyon ay ginawaran naman siya ng parangal ng isang grupo ng Italian film critics.

Photo: Courtesy of Noranians Worldwide (NOW)

Sa airport pa lamang ay marami na ang nag-interview kay Nora Aunor nang magbalik sa bansa ang Superstar kahapon, September 11.

Kagagaling lang ni Nora sa matagumpay na paglahok ng pelikula niyang Sinapupunan (Thy Womb) sa 69th Venice International Film Festival, sa Italy.

Kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mga unang nag-congratulate at nag-interview kay Ate Guy matapos ang ilang minutong pagbati at pagpapakuha ng litrato, kasama ang kanyang fans na matiyagang naghintay sa airport.

"Alam nila kung gaano ko sila kamahal. Para sa kanila ang award na 'yon!" sambit ni Nora sa panayam ng PEP at iba pang taga-media.

Ang tinutukoy na award ng aktres ay ang Bisato d'Oro (Golden Eel) Premio Della Critica Indipendente mula sa isang independent Italian critics' group.

Ayon  kay Ate Guy, napili siyang best actress ng mga Italyanong kritiko, "Kasi marami daw silang nakikitang emotions."

Naka-relate daw ang mga Italyano at iba pang banyagang kritiko at mamamahayag na  dumalo at nanood ng mga entries sa 69th Venice Filmfest.

Pero ikinalungkot ng maraming Nora-supporters ang hindi niya pananalo ng Volpi Cup bilang best actress.

Para kay Nora ay hindi dapat ganito ang maging attitude. Matapos ang filmfest, wala naman daw negatibong damdamin ang Superstar.

Aniya, "Hindi dapat… kasi nanalo naman. Iba-iba ang jurors, iba-ibang nationalities."

Banggit pa ni Ate Guy tungkol sa Bisato d'Oro trophy niya: “Mabigat... gold talaga yung nasa loob!"

Malaki at mabigat ang Bisato d'Oro, which Nora proudly and happily showed PEP. Mayroon itong gold dashes na nasa loob ng glass eel-shaped figurine na naka-decorate sa gitna ng plato na gawa sa ceramics at metal.

Kaya ba masayang masaya si Nora sa pag-uwi niya?

"Oo naman. Mapasali nga lang ang Thy Womb, masaya na, e."

Ang nagwaging best actress ay ang Israeli young actress Hadas Yaron ng pelikulang Fill The Void.