Lian Paz on separation from Paolo Contis: “Hindi ako puwedeng parang eng-eng na mahinang klase na iiyak na lang forever. Oo, kailangan umiyak talaga ako. Araw-araw po akong umiiyak, hindi pa rin nauubos ang luha ko. Pero yung mga anak ko, kailangan kong maging matatag para sa kanila. Pero yung door ko, nakabukas lang po. Maghihintay lang po ako sa kanya. Sana po. Mahal na mahal ko po ang asawa ko.”

Photo: Rose Garcia

Kinumpirma ng dancer-actress na si Lian Paz ang balitang hiwalay na sila ng kanyang asawa na si Paolo Contis pagkatapos ng halos apat na taong pagsasama.

Matagal na raw pinaplano ng dating miyembro ng EB Babes na makaharap ang ilang entertainment press, simula pa nang magbalik-showbiz siya sa pamamagitan ng fantaserye ng TV5 na Enchanted Garden.

Nataon namang kung kailan nai-schedule ang pocket interview ni Lian kagabi, September 12, sa Romulo’s restaurant sa Scout Tuazon, Quezon City, saka may pumutok na balitang may pinagdadaanan daw ang pagsasama nila ni Paolo.

May blind-item report kasing lumabas na isang mag-asawa raw ang nagkakalabuan dahil patuloy pa rin daw sa pambababae ang mister.



SEPARATION RUMOR. Nang tanungin kung kumusta na ang kanyang pamilya, sumagot si Lian ng, “Okay naman po.”

Pero halata sa mga mata niya ang kalungkutan.

Ito ang nagbigay ng hudyat sa press, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), upang usisain si Lian kung ano nga ba ang tunay na saloobin niya.

Nang tanungin kung bakit may balitang hiwalay na sila ni Paolo, tumango si Lian bilang pagkumpirma sa lumabas na balita.

“Malalaman din naman po,” sabi niya.

Pero magkasama pa rin daw sila sa iisang bahay.

“As of now, we are. We are still living together, pero soon… eventually.”

Ang ibig sabihin ni Lian ay maghihiwalay na sila ng tirahan.

Si Paolo raw ang nagdesisyon na si Lian ang maiiwan sa bagong bahay na ipinagawa nila sa Pasig City.

Kay Lian din titira ang dalawa nilang anak na babae ni Paolo na sina Xonia Aitania at Xalene Abriana.

Saad ni Lian, “Siyempre po, ayaw rin naman niyang umalis kami dahil binili rin naman niya ang bahay na yun para sa amin. 

“So, doon po kami sa bahay. At siya po ang aalis para makapag-isip-isip.”



IN LOVE. Marami ang nagulat sa naging pag-amin ni Lian na hiwalay na sila ni Paolo. Kailan lang din kasi inamin ni Paolo sa publiko na kasal na sila ni Lian sa Huwes.