Ito ang sagot ni Nora Aunor kung bakit gusto niyang gawin ang pelikula kasama sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Coco Martin: “Kasi ang sa akin naman, kung yun ang magiging… mapapaligaya natin ang mga tao at magiging alive uli yung industriya, bakit ho hindi? Kaya sa 'kin, okay lang po yun."

Photo inset: Ang award at certificate na ibinigay sa Supertar na Bisato d’Oro award.

Photo: Noel Orsal

Isang mas slim at fresh-looking na Nora Aunor ang humarap sa press kahapon ng tanghali, September 12, sa Mario’s restaurant along Tomas Morato, Quezon City.

Masayang ibinahagi ng Superstar ang ilang bagong kaganapan at aabangan sa kanya ng kanyang mga tagasuporta.

Bilang selebrasyon daw ng ika-45 taon niya sa showbiz, inihahandog ng TV5 ang dalawang natatangi niyang pagganap ngayong weekend sa Kapatid shows na Untold Stories at Third Eye.

Sa Untold Stories ay gagampanan ng Superstar ang papel na Thelma Layog, isang madreng umalis sa kumbento para makasama ang lalaking minamahal—na bibigyang-buhay naman ni Yul Servo.

Sasabak din si Ate Guy sa mystery-drama na Third Eye, kung saan gaganap siyang teacher na kailangang ilabas ang kakahayang matagal na niyang tinalikuran.

Sasagipin niya ang mga estudyanteng sinapian ng demonyo sa pamamagitan ng isang ritwal.

Ayon sa head for creative and entertainment production ng TV5 na si Perci Intalan, may very special role din si Nora sa finale ng Enchanted Garden na dapat abangan.



THY WOMB. Kararating lang ng Superstar noong isang araw mula sa Venice Film Festival, kung saan naging entry ang pinagbibidahan niyang Thy Womb na idinirehe ni Brillante “Dante” Mendoza.

Kuwento ni Nora, “First time kong nakarating do’n at nakakatuwa naman dahil nung nag-red carpet kami, yung mga tao pumapalakpak dahil siguro napanood na nila yung pelikula.

"At yun nga, nagustuhan naman nila yung pelikula namin."

Mula sa nabanggit niyang pelikula, ginawaran si Ate Guy ng Bisato d’Oro award ng isang grupo ng independent Italian film critics.

Ito ang unang pagkakataon na ipinagkaloob nila sa isang aktres ang award na ito dahil kadalasan daw ay iginagawad ito sa isang direktor o iba pang kasapi sa pelikula.



ONLY THE SUPERSTAR! Bukod-tanging si Nora Aunor lang daw ang nakapag-participate na sa tatlong pinakamalalaki at prestihiyosong film festivals sa buong mundo, ayon sa obserbasyon ng beteranong manunulat na si Ronald Constantino.

Ang Bona na idinirihe ni Lino Brocka ay naging entry sa Cannes International Film Festival noong 1981.

Ang pelikula nila ni Ishmael Bernal na Himala ay naging kauna-unahang Philippine entry sa 1983 Berlin International Film Festival.

At ang Thy Womb nga ay naging kalahok naman sa Venice International Film Festival.

Saad ni Nora, “Masuwerte ako. Masuwerte pa rin ako sapagkat yung mga ginawa kong pelikula na napasali doon ay kanilang… karapat-dapat lang na maipalabas sa ibang bansa at mapanood, lalo na ng mga kababayan natin.