Isang take lang daw ang kinailangan para sa eksena sa Of All The Things kunsaan sinabihan ni Regine Velasquez si Aga Muhlach ng "Pa-canton ka naman!" Biro naman ni Regine, "Sanay na sanay akong magpa-canton. Niluluto lang naman yun, a!"

Photo: Courtesy of Viva Films

Isa sa tumatak na eksena sa trailer ng upcoming movie ng Viva Films at GMA Films, ang Of All The Things, ay nang sabihan ni Regine Velasquez si Aga Muhlach ng “Pa-canton ka naman!”

Ang ibig sabihin ng “pa-canton” ay magpapakain ng pancit ang isang tao dahil sa may nangyaring maganda sa kanya o bilang blowout niya. Pero nabibigyan ito ng kakaibang kahulugan dahil sa may katunog itong maselang salita.

Malutong ang pagkakabitaw ng linyang ito ni Regine kaya naman bentang-bentang ito sa mga nakapanood na ng teaser ng pangatlong pelikula nila ni Aga.

Sa second presscon ng Of All The Things kaninang hapon, September 13, sa Citybest restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, ay natanong si Regine tungkol sa “pa-canton” line niya sa pelikula.

Biro naman ng Asia’s Songbird, “Ang lutong, di ba?

“Sanay na sanay akong magpa-canton. Niluluto lang naman yun, a!

“One take lang yun,” pagmamalaki pa niya.

Dagdag naman ng direktor ng pelikula na si Bb. Joyce Bernal, “Kaya ni Regine ibitaw lahat po ng lines na ganun… lahat ng barubal na lines, kayang ibitaw ganun kalakas yung dating.”

Nagtawanan naman ang lahat nang tanungin ni Regine ang direktor niya kung compliment ba yun dahil iba ang dating sa kanya ng sinabi ni Direk Joyce.

Sabi naman ng writer ng pelikula na si Mel del Rosario, kung si Vilma Santos ay may pamosong linyang "Si Junjun..." sa pelikulang Paano Ba Ang Mangarap? (1983), si Regine naman daw ay maaalala dahil sa linya niya sa Of All The Things na "Pa-canton ka naman!"

Bulalas naman ni Regine na natatawa: "Ganun ang levelling?"

Ayon kay Direk Joyce, si Aga ang nag-retake sa eksenang iyon dahil “tawang-tawa” ang aktor.

Sa parte naman ni Aga, puring-puri nito ang Asia’s Songbird.

Sabi raw ni Aga kay Regine sa unang presscon ng pelikula nila: “Alam mo, Reg, ikaw, magaling kang artista, hindi ka napapansin. Pero sa pelikulang ito, it’s just right na mapansin ka dahil ang galing mo talaga rito.’”

Dagdag pa ng aktor, “Sa buong pelikula, nakita ko yung trabaho niya, ang galing niya talaga!”