Isang take lang daw ang kinailangan para sa eksena sa Of All The Things kunsaan sinabihan ni Regine Velasquez si Aga Muhlach ng "Pa-canton ka naman!" Biro naman ni Regine, "Sanay na sanay akong magpa-canton. Niluluto lang naman yun, a!"

Photo: Courtesy of Viva Films

Ayon kay Regine, ngayon pa lang ay inaayos na niya ang magiging birthday party ng anak.

Kuwento niya, “Kanina, katatawag ko nga lang sa party planner. Inaayos ko na ngayon…

“Medyo nai-stress ako ng konti kasi malapit na ‘yon.

“May movie, sabay pa yun sa concert ko, that’s why I have to fix everything now—dapat ma-set up ko na lahat.

“Although naka-set up naman na. Okay na yung lugar, mga little things lang…”

Ano naman ang theme ng first birthday party ni Nate?

“Yung theme, Boy Pick-up!” natawang sagot ni Regine bilang pagtukoy sa popular na role ng mister niyang si Ogie sa telebisyon at pelikula.

Habol pa niya, “Bakit hindi, di ba, e, tatay naman niya si Boy Pick-up.”



SINGAPORE. Sa susunod na linggo ay lilipad patungong Singapore sina Regine, Ogie, at Nate para sa isang bakasyon.

Doon na rin unang magkikita-kita ang mga anak ni Ogie sa una niyang asawa na si Michelle Van Eimeren, sina Sarah at Leila, at ang anak nila ni Regine na si Nate.

Ayon sa Asia’s Songbird, “First time makikita ng girls si Nate so we’re very excited, actually.

“Excited akong makita nila kasi, siyempre, kapatid nila yun, e. Saka excited din sila to see him.

“Hindi ko alam kung may itinerary na kasi parang kina-career ng asawa ko yun, e. So, hindi ko pa alam.

“Sabi niya dun sa mga anak niya, ilista nila what they want to do para pagdating namin dun, may itinerary na kami.

“It’s better kasi to have kahit papa’no may ganun para may sinusundan ka, hindi yung kalat-kalat kayo.”

Kasama raw nina Leila at Sarah na pupunta sa Singapore ang kanilang ina na si Michelle.