[x]

Kabilang sa mga rumampa sina: (L-R) Steven Silva, Sam Concepcion, Kim Chiu, Joseph Marco, Allison Harvard ng America's Next Top Model, at Janine Gutierrez.

Photo: Noel Orsal

Halos napuno ang SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi, Setyembre 13, ng mga nanood ng Bench Universe denim and underwear fashion show.

Kada dalawang taon lamang ginagawa ito ng fashion and lifestyle brand na pag-aari ng negosyanteng si Ben Chan.

Siyempre, bukod sa mga kasuotan, inaabangan nang husto kung sinu-sinong mga showbiz celebrities ang rarampa sa entablado, at kung anong gimik ang ipapakita nila.

Sa ginawang presentation ng mga underwear at denim products ngayong taon, nakipag-collaborate ang brand sa mga sikat na Filipino designers gaya nina Rajo Laurel, Randy Ortiz, Michael Cinco, Cary Santiago, Joey Samson, at Furne On.

Kakaiba rin ang stage design ng show dahil sa apat na moshpits nito na napuno ng fans ng ilang celebrity endorsers.

Saktung-sakto ito dahil ang opening act ng show ay isang rock performance mula sa Fil-Australian rock singer na si Mig Ayesa, na ang huling labas sa Broadway sa New York ay sa Rock of Ages.

Sinundan ang number na ito ng walang humpay na paglakad sa entablado ng mga models, dancers, at celebrities.

TRIBAL PRINTS. Si Kim Chiu ang unang kilalang artistang rumampa sa stage, suot ang isang white glitterey corset top na may katernong detachable printed skirt.

Sa gitna ng entablado ay hinubad ni Kim ang palda upang makita ang suot niyang maikling printed white shorts.

Kitang-kita ang manipis at sexy na pangangatawan ni Kim Chiu.

Tribal prints ang tema ng koleksyon na siya ring makikita sa mga kasuotan nina Joseph Marco, Janine Gutierrez, Stephen Silva, at Sam Concepcion.

Sinundan naman sila ni Jake Cuenca na nagpahiyaw sa audience gamit ang kanyang signature pose, kung saan itataas nito ang dalawang kamay habang nakatalikod sa tao.

May angas ang dating ni Jake na gusto ng mga babae at maging mga lalaki.

Naghiyawan din ang audience nang hubarin ni Jake ang suot na orange brief upang ipakita ang suot na sequined black thongs sa ilalim.