Gustong patunayan ni Frank Magalona sa publiko na hindi lamang pag-arte ang kanyang talento. Nais niyang malaman din ng mga tao, na tulad ng nakababata niyang kapatid na si Elmo Magalona, na mayroon din siyang talento sa pagra-rap.

Photo: Noel Orsal

Hindi masabi ni Frank Magalona kung nag-improve na ba ang kakayahan niya sa pag-arte.

Saad niya, “Kasi nag-start ako, di ba, last year, ‘yong hilaw na hilaw pa ‘ko?

“Ngayon, parang hindi ko pa rin masabi na… siyempre one year pa lang akong umaarte.

“So masasabi ko ngayon na, I’m still trying to go where I want to go and I’m still learning from these experiences.

“Kasi I’m the type of guy na I learn by doing it.

“So dahil na rin sa mga ibang shows na nag-guest ako, yung My Beloved, marami na rin akong na-experience do’n.

"Pero mas marami pa akong gustong ma-experience.”

Unang napanood si Frank sa mga drama series na Blusang Itim (2011), Kung Aagawin Mo Ang Langit (2011), at My Beloved (2012). Pawang supporting roles ang ginampanan niya sa mga ito.

Ngunit ngayon, maikukunsidera na siya bilang isa sa mga bida sa afternoon soap na Hindi Ka Na Mag-iisa, kung saan gumaganap siya bilang si Mark, ang matalik na kaibigan ni Eliza (Jennylyn Mercado) na may lihim na pagtingin sa dalaga.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press si Frank kahapon, Setyembre 18, sa set ng Hindi Ka Na Mag-iisa sa Quezon City.



NOT JUST AN ACTOR. Sinasabi man ni Frank na nagsisimula pa lamang siya bilang isang aktor, gusto rin niyang ipakita sa publiko kung ano pa ang kaya niyang gawin.

Lingid kasi sa kaalaman ng marami, katulad ng nakababatang  kapatid ni Frank na si Elmo ay marunong din siyang kumanta at mag-rap.

Namana nila ang talentong ito sa kanilang yumaong ama, ang rapper-host-actor na si Francis Magalona.

Nagsimula raw mag-rap si Frank noong sampung taong gulang pa lamang siya.

At upang ipaalam sa masa ang talento niyang ito, magre-release siya ng single sa susunod na buwan.

“Magre-release ako ng kanta, tribute song para sa dad ko,” nakangiting pagbabahagi ng Kapuso actor.