[x]

Umakyat sa stage at nagpasalamat sina (mula kaliwa) Boy2 "Dos" Quizon, Vandolph, Manny Quizon, Karylle, Zsa Zsa Padilla, Sahlee Quizon, Zia Quizon, Eric Quizon, Epy Quizon, at Ronnie Quizon, sa mga nanood ng musical tribute, mga artistang nagsidalo't nag-perform, at sa TV networks na tumulong para mairaos ang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy na ginanap kagabi, Setyembre 19, sa SM Mall of Asia Arena.

Photo: Noel B. Orsal

Sa isang pambihirang pagkakataon ay nagsanib-puwersa ang tatlo sa pinakamalalaking networks sa Pilipinas: ABS-CBN, TV5, at GMA-7.

Ang pagsasama-samang ito ng tatlong leading networks sa bansa ay upang magbigay-pugay sa Hari ng Komedya ng Pelikulang Pilipino na si Dolphy.

Pinamagatang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy, ginanap ang malaking pagdiriwang na ito kagabi, September 19, sa SM MOA Arena, Pasay City.

Tila bumaba ang mga bituin sa langit, dahil halos lahat ng mga pinakamalalaking pangalan sa industriya ay nakiisa para parangalan ang nag-iisang Hari ng Komedya.

Pumanaw si Mang Dolphy noong July 10, 2012 dahil sa mga kumplikasyon dulot ng chronic obstructive pulmonary disorder (COPD).

THE TRIBUTE CONCERT. Sa ginanap na tribute concert ay inalala ng mga kamag-anak, kaibigan, at katrabaho ni Mang Dolphy ang mahigit animnapung taong ibinihagi niya sa industriya ng showbiz sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at pagpapatawa.

Napuno ng mga artista mula sa Kapamilya, Kapatid, at Kapuso networks ang entablado ng Arena; habang ang ibang mga bituin at kilalang personalidad naman ay nagbahagi ng kanilang mga mensahe at performances sa pamamagitan ng video clips.

Bawat network ay may representative sa halos lahat ng production numbers at spiels.


FRONT ACT. Bago magsimula ang program proper ay nag-front act muna ang mga apo ng Comedy King na sina Rowell at John Quizon.

Pinalakpakan nang husto ang mga apong ito ni Dolphy sa anak na si Freddie, nang kumanta habang ginagaya ang boses at mannerisms sa pagkanta ng iba't ibang lokal na artista, tulad nina Jaya, Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Nora Aunor, Fernando Poe Jr., at ng mismong si Dolphy.

Pagkatapos nito ay lumabas sa stage sina Bernadette Sembrano ng ABS-CBN, Paolo Bediones ng TV5, ay Rhea Santos ng GMA-7.

Matapos na batiin ang audience at magkuwento kung para saan ang tribute special, nagbiruan pa ang tatlong news anchors nang magkamustahan na.

"Ako, okay lang, ewan ko sa inyo, iniwan n'yo ako, e," sabi ni Rhea kina Bernadette at Paolo na parehong galing sa Kapuso network bago nagsilipatan ng istasyon.

Sinagot naman siya ni Bernadette ng biro rin na, "Okay lang kami, ikaw baka gusto mong lumipat?"