Nananatili raw nakatapak ang mga paa ni Chef Boy Logro sa lupa sa kabila ng kanyang tinatamasang tagumpay. Paliwanag niya, "Kung anuman ang dumating sa buhay mo, palaging ang paa mo nakasayad pa rin sa lupa. Kasi pag ang pinag-uusapan pera, wala iyan, e. Tanyag, guwapo, maganda, mayaman, milyonaryo, wala rin, e. Kasi babalik din tayo sa lupa."

Photo: Noel Orsal

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pamosong celebrity chef na si Boy Logro last Wednesday, September 19, sa taping ng show niya na Kusina Master sa Studio 6 ng GMA TV Complex.

Una naming inusisa sa kanya kung gaano na siya katagal sa Kapuso network.

“Sa Idol Sa Kusina, one year na mahigit, one year and two or three months yata.

“And then, dito naman sa Kusina Master, almost eight months na,” sabi ni Chef Boy.

HANDLING FAME. Wala pa siyang two years sa showbiz pero sikat na sikat na siya. Sanay na ba siya sa popularidad niya?

“Ay, naninibago po!” bulalas niya.

“Hindi ko po akalain na maging ganun ang buhay kasi parang abnormal na pag pumupunta ako sa mall, e, talagang kinukuyog ako at nagpapa-picture kahit kumakain ako.

“Sabi ko, ‘Ano ba to?’ Pati wife ko… so hindi ko akalain na ganun kaya ganung ka-overwhelm at welcome yung mga tao.”

Hindi ba siya naiinis kapag dinudumog siya ng mga fans, na nawawalan na siya ng privacy?

“Hindi naman. Kinakailangan ay tanggapin mo na yun.

"Kumbaga sa ano... pinasok mo sa larangan ng showbiz, so maging prepared ka talaga.

“Kaya pinag-iisipan ko na yun pag pumupunta ako ng mall, hinahanda ko na yung sarili ko.

"Na dapat talaga ganun, hindi ka mainis, hindi ka mairita.

“Kasi pag inisnab mo sila, siyempre yung ating show, e, nagbe-base din doon sa mga viewers, so kahit na medyo nahirapan ka at naiirita ka, hindi mo dapat gawin yun.”