Tatapusin lang daw ni Direk Mike Tuviera ang Faithfully at pagkatapos ay lilipat na siya sa TV5 kunsaan pumirma siya ng kontrata sa loob ng dalawang taon, magkakaroon ng creative position, at magdidirek ng unang teleserye ni Derek Ramsay sa Kapatid network.

Photo: Rose Garcia

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Mike Tuviera sa mismong taping ng kanyang huling teleserye sa GMA-7 na Faithfully noong Lunes, September 17. 

Huling teleserye na ni Direk Mike ang Faithfully sa Kapuso network dahil isa na siyang Kapatid. 

Hindi naman daw ito inililihim ni Direk Mike. Umpisa pa lang daw, naging tapat na siya sa mga plano niya.

Dahil ba may shows din sa TV5 ang pag-aari ng pamilya nila na APT Entertainment, Inc. at TAPE, Inc. kaya siya lilipat?

“No, no… Actually, ang TAPE, nasa Seven pa rin, and they are still under contract. 

“Actually, wala akong masasabi sa Channel 7, they took good care of me. 

“At this point in my career, there are rooms lang talaga for growth na ino-offer nila. Yun lang talaga,” patuloy ni Direk Mike tungkol sa lilipatang TV5.

“And it wasn’t a big secret, hindi siya conspiracy or anything.  Noong February pa lang, nagpaalam na ako, sinabi ko na.

“Hindi pa ako nagde-decide nun. Pero noong malaman ng dalawang network na 2012 matatapos ang kontrata ko, sila na po ang lumapit sa akin. ‘Tapos, sinabi ko agad.”

Ang dalawang network na tinutukoy ni Direk Mike ay ang  ABS-CBN at TV5.

Pero bakit sa TV5 siya lilipat?

“Sa Five lang po kasi nagka-offer ng creative na position. Yun pa naman ang pinakaano ko talaga. Yun ang pinakagusto kong gawin. 

“Kasi, I started as a writer.  So, yun ang parang name-miss ko.

“I’m not going to stop  directing, pero, name-miss ko lang talaga yung involved ka run sa brainstorming, sa creative. So, yun ang medyo nag-edge talaga.”

 

IT’S NOT ABOUT THE MONEY. Dugtong pa niya, “Actually, I was very transparent. Palagi kong kausap sina Ms. Redgie Magno, palagi kong kausap si Ma’am Lilybeth [Rasonable].  Sabi ko, it’s not about the movie,” banggit pa niya sa GMA-7 executives.