Ito ang sagot ni Enchong Dee nang tanungin kung sa palagay niya ay magkakabalikan ang leading lady at kaibigan niyang si Maja Salvador at ang ex-boyfriend nitong si Matteo Guidicelli: “Ay, hindi pa siguro. Sa nakikita ko, nag-e-enjoy si Maja sa buhay niya ngayon.”

Photo: Noel Orsal

Unang pagtatambal ng magkaibigang Maja Salvador at Enchong Dee ang upcoming teleserye ng ABS-CBN na Ina Kapatid Anak.

Makakasama nila sa seryeng ito ang tambalan nina Kim Chiu at Xian Lim.

Sabay na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sina Maja at Enchong kahapon, September 24, sa presscon ng Ina Kapatid Anak sa White House, sa South Triangle, Quezon City.

Kapwa excited ang dalawa sa bagong project nila sa Kapamilya network.

Sabi ni Enchong, “Parang gusto ko nang malaman yung airing date namin. Gusto ko nang mag-promo, gano’n.”



COMPARISONS. Matalik na magkaibigan sina Kim at Maja, pero sa pagsasama nila sa isang teleserye ay malamang na ikumpara sila sa isa't isa

Sagot ni Maja dito, “Hindi naman po maiiwasan ‘yan, lalo na nasa industriya tayong ito.

“Okay lang kung mai-compare kami sa isa’t isa. Pero ang importante sa amin, alam namin kung nasaan yung friendship namin.

"At alam naming kung ano ang trabaho at hindi.”

Handa ba si Enchong sakaling pagkumparahin din sila ni Xian?

“Oo naman," sagot ng young actor.

"Tsaka kasi masyadong maliit yung dahilan na dahil lang sa teleserye, o dahil lang sa trabaho, masisira yung pagkakaibigan.

“Sa tingin ko, mas importante kung anuman yung maiipon naming apat dito compared sa 'mas umangat si Ganito, nasasapawan si Ganyan.’ Hindi naman."'

Dugtong naman ni Maja, “Parang mas maganda kung nagtutulunagan kaming apat.

"Kasi, yun nga, tulad ng sabi namin, isa siyang malaking project ng ABS-CBN na ipinagkatiwala sa amin.”



WORKING WITH FRIENDS. Paano naging advantage sa kanila ang pagiging magkaibigan sa kanilang trabaho?

Maja: “Hindi lang kami ni Kim, kaming apat. Masaya na katrabaho mo yung mga kaibigan mo kasi mas excited kang… yung hindi ka maiilang tanungin kung, ‘O, ganito yung gagawin ko sa eksena. Okay lang ba?’ Yung gano’n."