Isiniwalat ni Vice Ganda na nagka-girlfriend siya noon. Kuwento niya, “Nagka-girlfriend po ako ng babae—mga lima rin, noong high school, college po ako. Nakaka-appreciate pa rin ako ng kagandahan ng babae. Hanggang ganoon lang, nagugustuhan ko sila. Bakla na talaga ako. Hanggang sa, ‘ganda nito,’ ganoon.”

Photo: Noel Orsal

Isang bading na magpapanggap na lalaki ang ginagampanang papel ni Vice Ganda sa bago niyang pelikula na This Guy’s In Love With U Mare.

 

Boyfriend kasi ni Vice sa pelikula si Luis Manzano, pero na-in love si Luis sa karakter ni Toni Gonzaga. Kaya ang ginawa ni Vice ay nagpanggap siyang lalaki upang maligawan si Toni.

Sa presscon ng This Guy’s In Love With U Mare kagabi, September 27, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN, tinanong si Vice kung na-in love o nanligaw na siya sa isang babae sa tunay na buhay.

Sagot ng comedian-TV host, “Nagka-girlfriend po ako ng babae—mga lima rin, noong high school, college po ako.

“Nakaka-appreciate pa rin ako ng kagandahan ng babae. Hanggang ganoon lang, nagugustuhan ko sila. 

“Bakla na talaga ako. Hanggang sa, ‘ganda nito,’ ganoon.”

Tinanong naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Vice kung nakaka-relate siya sa role niya sa pelikula.

Biro niya, “Yung role ko kasi rito, bakla, kaya hindi ako masyadong maka-relate.”

Pero dugtong niya, “Sobrang relate, sobra! 

“Sabi ko nga kay Direk [Wenn Deramas], ‘Eto, alam mong eksena ko ito sa totoong buhay, dinala-dala mo rito!’”   

CRUSH ON KAYE. Consistent naman si Vice sa pagsasabing si Kaye Abad ang crush niya sa mga artistang babae dahil gandang-ganda raw siya rito.

“Gusto ko si Kaye Abad. Gandang-ganda ako sa kanya.

“Ang seksi niya, ang ganda niya. Gustung-gusto ko siya. 

“At kung magge-girlfriend ako, si Kaye Abad ang liligawan ko.”

Biro pa ni Vice, “May chance kami ni Kaye. Kasi kahawig ko naman daw po yung taga-Parokya ni Edgar.”