Ang larawang ito kunsaan kasama ng aktres na si Lotlot de Leon ang kanyang ama na si Donald Lee Olson ang profile picture niya ngayon sa Facebook.

Photo: Courtesy of Lotlot de Leon

Ibinahagi ni Lotlot de Leon na nagkatagpo at nagkakilala na sila ng kanyang biological father, pero tumanggi pa noon ang aktres na sabihin ang identity ng ama.

Ngayon ay bukas na si Lotlot sa pagbibigay ng kaunting detalye tungkol sa kanyang ama.

Katunayan ay larawan nila ng kanyang biological father ang profile pic ngayon ni Lotlot sa kanyang Facebook account.

Ayon sa aktres, ang pangalan ng kanyang ama ay Donald Lee Olson, isang American citizen.

Mula raw noong magharap silang mag-ama noong 2009 sa Chicago, Illinois ay nagpatuloy na ang kanilang komunikasyon.

Katunayan, darating sa bansa ang kanyang half-sister na si Donna Olson ngayong November para magbakasyon.

Kuwento rin ni Lotlot, sa kanyang bahay titira ang sister niyang isang U.S. Navy habang nagbabakasyon ito sa Pilipinas.

Paano nga ba nahanap ni Lotlot ang kanyang tunay na ama?

Hindi raw sinasadyang nagkakilala ang tunay na ina ni Lotlot at ang kanyang estranged mother-in-law na si Pilita Corrales noong mag-show ang Asia’s Queen of Songs sa Amerika.

Mula sa kanyang biological mother ay nakuha nila ang pangalan ng tunay na ama ni Lotlot.

Taong 2009 noong kailangang pumunta ng Olongapo City si Lotlot, kasama ang kaibigang si Mymy Davao, para ayusin ang papeles ng kapatid niyang si Kiko.

Gaya ni Lotlot ay adopted din si Kiko ng kinikilala nilang ina—ang Superstar na si Nora Aunor.

Sinubukan daw ni Lotlot na umakyat sa mayor’s office sa Olongapo para magbakasakaling matulungan siyang hanapin ang kanyang tunay na ama.

Ayon kay Lotlot, may programa raw ang munisipyo ng Olongapo na tulungang hanapin ng mga batang Amerasian ang kanilang mga magulang.

Matatandaang naging U.S. Naval Base ang Subic Bay, sa Olongapo, hanggang sa pagsasara nito noong 1991.