Pormal nang naghain ng reklamo ang magkapatid na Johnelline Hickins at Juan Alberto Carlotta laban sa young actor na si Matt Evans. Paglabag sa R.A. 9262 at slight physical injuries ang mga reklamong inihain laban kay Matt.

Photo: Screen grab from GMA News TV

Na-inquest na si Matt Evans bago mag-tanghali kanina, October 22, sa Pasig City Prosecutor's Office.

Ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA NewsTV kanina, naunang dumating ang ka-live-in partner ni Matt na si Johnelline Hickins, kasama ang kapatid nitong si Juan Alberto Carlotta, sa Pasig Police Headquarters mga bandang 10:30 ng umaga.

Pormal nang nagsampa ng reklamo ang magkapatid laban sa young actor.

Si Johnelline ay naghain ng reklamong physical injuries in relation to R.A. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Children.

Ang kapatid naman nitong si Juan Alberto Carlotta ay nagsampa ng reklamong slight physical injuries.

Pero pagkatapos nilang magsampa ng reklamo ay hindi nagbigay ng pahayag sa media ang magkapatid.

Ayon sa abogado nina Johnelline at Juan Alberto na si Atty. Patrick Vincent Alado, magbibigay sila ng pahayag kapag handa na ang kanyang mga kliyente.

Pasado alas-onse naman ng umaga nang dalhin si Matt mula sa Pasig Police Headquarters papunta sa Pasig City Prosecutor's Office kung saan in-inquest siya.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag sa media si Matt.

Ayon sa abogado ni Matt na si Atty. Gerly Rico, ang pangunahing layunin nila sa ngayon ay makagpapiyansa si Matt at makalabas na sa kulungan.

Kapag makalabas na raw ito ay saka pa lang sila magbibigay ng official statement.

Sa ngayon ay wala pa raw silang napapag-usapan ng kanyang kliyente kung magkaka-counter charge si Matt o kaya naman ay kung makikipag-areglo ito.

Sa ngayon ay inaantay pa rin ng kampo ni Matt ang resolusyon na manggagaling sa Pasig City Prosecutor's Office para malaman kung makakapag-piyansa na siya.

Tungkol sa areglo, ayon kay Jhonelline, ay malalaman na lang daw pagkatapos nilang magkaharap sa piskalya.

Ngayong araw ay ipinagdiriwang ni Matt ang kanyang kaarawan.