Sinampahan ng kasong murder ang The Biggest Loser Pinoy Edition winner na si Larry Martin (nasa larawan) at ang kanyang pinsan na si Faustino Galvan dahil sa pagkamatay ng isang court sheriff sa Naga City.

Photo: Noel Orsal

Handa raw harapin ng Biggest Loser Pinoy Edition winner na si Larry Martin ang kasong murder na isinampa laban sa kanya.

Sinampahan ng murder case si Martin at ang pinsan nitong si Faustino Galvan dahil sa pagkamatay ng isang court sheriff.

Ayon sa report in Inquirer.net, nagtamo ng serious head injuries si Rommel Licmuan, court sheriff sa Regional Trial Court ng Naga City, pagkatapos mabugbog malapit sa isang drinking joint, noong unang gabi ng Penafrancia Festival ng September 7.

Ayon sa imbestigasyon, sinuntok ni Galvan si Licmuan sa likod ng ulo nito na naging dahilan upang bumagsak ito sa semento.

Isinugod si Licmuan sa ospital kunsaan siya ay comatose ng dalawang linggo bago siya binawian ng buhay.

Isang saksi ang nagturo kay Martin bilang driver ng sasakyan na ginamit ni Galvan upang tumakas.

Sa pamamagitan ng kanyang abugado, sinabi ng Biggest Loser Pinoy Edition winner na handa siyang harapin ang kasong murder na isinampa sa kanya ng Naga City Police Office (NCPO).

Ayon sa report ng Bombo Radyo, mismong ang abugado ni Martin ang nag-abiso sa kanya na huwag munang magsalita.

Wala pa rin daw subpoena na natatanggap ang kampo ni Martin kaya mas makabubuti raw na huwag muna itong magbigay ng komento.

Inamin ni Martin na kanya nga ang sasakyang ginamit ng pinsang si Galvan bilang getaway nang mangyari ang insidente sa Peñafrancia Avenue, subalit idiniin nito na nagkataon lamang ito.

Samantala, pinag-aaralan ngayon ng piskalya kung ibababa sa homicide ang kaso nina Martin at Galvan.

Ayon kay Fiscal Romy Tayo ng Naga City Prosecutor's Office, idedepende nila ang kahihinatnan ng kaso sa pahayag ng dagdag na testigo at mga ebidensiya.

Posible rin sa susunod na linggo i-raffle ang kaso sa dalawang suspek upang malaman kung sino ang hahawak nito.