[x]

Hindi na nagawang buuin ni Regine Velasquez ang kanyang concert na Silver kagabi, November 16, matapos siyang dapuan ng virus na naging dahilan ng pagkawala ng kanyang boses. Bagamat pinilit niya pa ring kumanta ay hindi na rin niya kinaya sa huli.

Photo: Noel Orsal

Pagkatapos ng ilang buwang paghahanda ay ginanap na ang 25th anniversary concert ni Regine Velasquez kagabi, November 16, sa SM Mall of Asia Arena—ang Silver.

(CLICK HERE to view gallery)

Ngunit sa dinami-dami ng araw na maaari siyang dapuan ng sakit, sa mismong araw pa ng concert niya ito nangyari.

Dinapuan ng virus ang Asia’s Songbird na naging dahilan ng pagkawala ng kanyang boses.

Ngunit sa kabila nito ay pinatunayan ni Regine ang kanyang propesyunalismo dahil itinuloy niya pa rin ang concert kahit hirap na hirap siya.



OF ALL THE DAYS… Alas-otso ng gabi ang inaasahang pagsisimula ng Silver concert ngunit lagpas alas-nuebe na ng gabi nang simulan ito.

Nagpalakpakan ang mga tao nang lumabas sa stage ang Manila Symphony Orchestra, kasunod ang musical directors na sina Ryan Cayabyab at Raul Mitra, bilang hudyat ng pagsisimula ng concert.

Pagkatapos ng overture ng ilan sa pinasikat na kanta ni Regine sa loob ng 25 years ay lumabas na ang Songbird para sa kanyang opening number—ang fast version ng hit song niyang “Shine.”

Dito ay napansin na ng marami na tila may problema sa boses ni Regine.

Pagkatapos ng kanyang number ay ipinagtapat ni Regine sa mga taong nasa loob ng Arena ang tunay niyang kundisyon.

Pahayag niya, “Actually, madami rin po ang pinagdaanan ko para po… just to get here tonight.

“We’re thinking of cancelling the show altogether because I didn’t have a voice.

“But, inisip ko, para kanino ba ito… this show is a celebration…

“Minsan ka lang magse-celebrate ng twenty-five years sa industriya, palpak pa.

“Nandito naman kayo, dumating naman kayo.

“I know that you deserve more from me and I really would’ve wanted to give you more.