Sa pagtanggap ni Richard Gomez ng role bilang Felix Manalo, ang founder ng Iglesia Ni Cristo, hindi maiwasang mag-isip ang ilan na baka may kinalaman ito sa kanyang pagtakbo bilang mayor ng Ormoc City sa 2013 elections. Sagot dito ng aktor, “Yung suporta ng Iglesia, hindi namin pinag-uusapan, e. Kasi ang importante nga rito e yung movie na gagawin namin. Ako, for my career, it’s going to be important. Malaking movie ito.  Maraming manonood na mga tao rito.”

Photo: Arniel C. Serato

Isang press launch ang ginanap sa Quezon City Sports Club kahapon, Martes, November 27, para sa gagawing pelikulang Ang Sugo (The Last Messenger). 

Tatalakayin ng pelikula ang life story ng founder ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Ka Felix Manalo, na gagampanan ni Richard Gomez.

“I think this will be a very important movie for 2014,” ani Richard nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press launch.

“Considering na para sa 100th year celebration ito ng Iglesia Ni Cristo.

“Importante ito sa history ng kultura ng Pilipino kasi napakalaking relihiyon nito. 

“Pero hindi nila nalalaman kung ano ba yung humble beginnings nito at yung mensahe na gusto nilang iparating sa tao.

“Maganda rin na ipapakita rito kung nasaan na ang Iglesia Ni Cristo ngayon.”

Banggit pa ni Richard, “Next year ang shooting namin for this film. 

“2014 pa ang showing niya kasi itataon sa ika-100 founding anniversary nila.

“Isang epic ito, e, talagang malaking pelikula—a cast of thousands na si Tikoy Aguiluz ang magdidirek.

“This is my first time to work with Direk Tikoy, yes, kaya excited talaga ako.”

Bukod kay Richard, tampok din sa pelikula sina Albert Martinez na gaganap bilang si Eraño “Ka Erdie” Manalo at si Senator Bong Revilla naman ang gaganap bilang si Eduardo “Ka Ed” Manalo.

Si Snooky Serna ang magbibigay-buhay sa karakter ng asawa ni Ka Erdie. Ang maybahay ni Senator Bong na si Congresswoman Lani Mercado ang gaganap bilang asawa ni Ka Ed.

Sabi pa ni Richard, “It’s really a privilege to be chosen as Ka Felix Manalo. Happy ako at excited na gampanan yung role.”