Opisyal na ang pangunguna ng Star Cinema-Viva Films movie na Sisterakas sa box-office race ng mga pelikulang kalahok sa 2012 Metro Manila Film Festival. Ang pelikulang ito na pinagbibidahan nina Vice Ganda, Kris Aquino, at Ai-Ai delas Alas ay kumita ng P342 million sa loob lamang ng dalawang linggo.

Photo: Noel Orsal

Opisyal na ang pagiging number one ng Sisterakas sa takilya sa walong pelikula na kalahok sa 2012 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Base sa pinakahuling box-office result na inilabas ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa official Twitter account nito kanina, January 10, nagsara sa P342 million ang box-office return ng pelikula nina Vice Ganda, Kris Aquino, at Ai-Ai delas Alas.

Tumakbo ang 2012 MMFF mula December 25, 2012 hanggang January 8, 2013.

Bukod sa pagiging topgrosser sa 2012 MMFF, ang Sisterakas na rin ngayon ang may hawak ng record bilang “highest-grossing Filipino movie of all time.”

Nabura na ng pelikulang ito ang P320 million na kinita ng Praybeyt Benjamin (2011) sa loob ng dalawampung araw.

Ang P342 million na kinita ng Sisterakas ay para sa dalawang linggo lamang. Siguradong tataas pa ito dahil hanggang ngayon ay palabas pa rin ito sa ilang sinehan.

Ang Sisterakas at Praybeyt Benjamin ay parehong co-produced ng Star Cinema at Viva Films.

Ang bida sa Praybeyt Benjamin ay si Vice Ganda rin.

OTHER MMFF ENTRIES. Samantala, doble ang kalamangan ng Sisterakas sa sumunod na pelikula pagdating sa box-office race ng 2012 MMFF.

Ang isa pang entry ng Star Cinema na One More Try ay nagtala ng P170.5 million na kita sa pagtatapos ng 2012 MMFF. Bida rito sina Angel Locsin, Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo, at best-actor winner na si Dingdong Dantes.

Ang pelikula naman nina Senator Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos na Si Agimat Si Enteng Kabisote at Si Ako ay pumangatlo dahil sa P133.5 million gross nito.

Ang ika-apat na pelikulang naging patok noong nakaraang dalawang linggo ay ang Shake Rattle & Roll 14 ng Regal Entertainment. Ang three-part movie na ito na idinirehe ni Chito Roño ay nagtala ng P45.3 million sa takilya.

Hindi pa inilalabas ng MMDA ang box-office return para sa apat pang pelikula—El Presidente, The Strangers, Sosy Problems, at Thy Womb.



RECORD-BREAKING BOX-OFFICE RETURN. Pero sa kabuuan, ayon pa rin sa Twitter post ng MMDA, “record-breaking” ang P767.8 million na kinita ng katatapos pa lamang na MMFF.

Ito ay mas mataas ng 21 percent kumpara sa kinita ng MMFF noong 2011 na P636.7 million.