Namamangha at emosyonal si Ms. Gloria Romero sa pagbabalik niya sa isang romantic teleserye tulad ng Forever. Kuwento niya: “It’s a different romantic story and it’s something that I am used to do noong araw pa. It brings back memories, kaya siguro ako naging emotional.”

Photo: Noel Orsal

Hindi napigilan ng Philippine movie queen na si Ms. Gloria Romero na maiyak nang mapanood niya ang audio-visual presentation para sa bago niyang drama series na Forever sa GMA-7 noong January 8.

Paliwanag niya, “Hindi ko kasi akalain na sa edad kong ito [79 years old], makakagawa pa ako ng ganitong klaseng TV drama.

“I’ve done so many series in the past, ngayon lang ako talaga naiyak sa napanood ko.

“Hindi ko alam kung bakit ako naging masyadong emotional… pagpasensiyahan ninyo na ako.

“Siguro nga masayang-masaya lang ako sa paggawa ko ng show na ito.

“Kaya once again, thank you GMA-7 for giving me this one-of-a-kind drama on television.”



WITH GMA-7. Ang Forever ang ika-limang show ni Tita Glo since lumipat siya sa GMA-7.

Una niyang ginawa ang Munting Heredera at sinundan ito ang sitcom na Andres de Saya. Sumunod na ang teleseryeng Makapiling Kang Muli at ang pinakahuli ay ang Cielo de Angelina.

    

Sa Forever, kasama ng movie queen sina Heart Evangelista at Geoff Eigenmann.

Gaganap si Tita Glo bilang si Adora, isang elderly woman na isa lamang ang inibig sa buong buhay niya—si Ramon, na ginagampanan ni Geoff Eigenmann.

Si Ramon ay namatay dahil sa ipinaglaban nito ang kanyang pag-ibig kay Adora.

Ilang dekada ang lumipas at muling mabubuhay si Ramon sa katauhan ng isang artist na si Patrick, na laging ginuguhit ang larawan ng dalagang si Adora.

Sa pamamagitan ng isang antigong relo, babalik sa kanyang dalagang anyo si Adora upang muling buhayin ang naudlot nilang pag-ibig ni Ramon.

Pero dahil sa mga pangyayaring ito, mabubuhay muli ang mapapait na nakaraan at mauulit ito sa kasalukuyang panahon.

Si Heart naman ang gaganap na dalagang Gloria Romero bilang Adora.

Gumanap na dati si Heart bilang dalagang Gloria Romero sa pelikulang Nobody, Nobody But Juan (2009) kunsaan bida ang yumaong King of Comedy na si Dolphy.