Glaiza de Castro on playing kontrabida roles: “Wala naman akong problema sa mga roles na ginagawa ko. Natutuwa ako sa reaksiyon ng mga tao kung gaano sila ka-affected, di ba? Masaya, pero at the same time, nandun pa rin yung conviction ko na ayokong isipin nila na kontrabida lang ako at saka ayoko na yung perception nila ay maihalo nila sa totoong buhay kung ano yung nakikita nila sa TV. Alam ko naman na matatalino na yung mga audience natin ngayon. Pero gusto ko lang siyempre na balanse lahat.”

Photo: Noel Orsal

Suportado ni Glaiza de Castro ang kanyang kaibigang direktor na si Dante Nico Garcia sa adbokasiya nito kaya pumayag siyang maging cover sa maiden issue ng magazine na inilunsad ng direktor, ang Isda Revolution, na nagtatampok sa independently-produced contents—mula sa pelikula, musika, arts at iba pa.

Kasama si Glaiza sa cast ng Madaling Araw, Mahabang Gabi, ang indie movie na idinirek ni Dante.

Dumalo rin si Glaiza sa launching ng magazine na isinabay sa press launch ng Asean International Film Festival and Awards 2013 (AIFFA 2013) na ginanap noong Enero 12, sa Dragon Bistro sa A. Roces Avenue, Quezon City.

Si Dante ang tumatayong liaison director at nomination committee member ng naturang international film festival.

Dito nga eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza, at kaagad naming tinanong ang kanyang nararamdaman tungkol sa pagiging cover niya sa magazine na lalabas ngayong Enero.

Sabi ni Glaiza, “Nakaka-overwhelm. Flattered din naman po ako.

“Siyempre naniniwala ako sa power ng independent content, independent film, independent music, ganyan.

“And siyempre, kaya rin natin ito ginagawa, to reach out to more people, di ba?

“Kaya nga nandito ako to support Direk Ga [palayaw ni Dante] sa advocacy niya.

“At saka matagal ko na rin kasi siyang kakilala at kaibigan kaya support talaga.”

Marami na rin kasing nagawang indie movies si Glaiza kaya hindi nagdalawang-isip si Dante na gawing cover girl ang aktres.

Inilarawan nga sa magazine si Glaiza bilang “flavorful” dahil, ayon sa paliwanag ni Direk Ga, marami kasing kayang gawin at ipakita ang aktres na gumaganap ng bida at kontrabida sa telebisyon at pelikula bukod pa sa kumakanta rin.

Ano ang reaksiyon ni Glaiza rito?

“Actually, natutuwa ako na nare-recognize niya ako bilang isang artist talaga. Hindi lang celebrity kundi bilang artist sa industry, parang ganun.

“Yun din naman talaga yung gusto kong i-project, e, na parang diverse yung ginagawa ko.