Paulo Avelino on growing popularity despite being a young father: “Ang panahon ngayon, nag-iiba na rin, e. Hindi katulad dati na matampuhin masyado yung mga tao, like kung ang isang artista, magkakaroon ng anak o magkakaroon ng nobya na ayaw ng fans, nagtatampo kaagad. And mas open sila. Kumbaga, ang importante sa kanila, yung nakikita nila sa iyo sa screen, kung ano ang pinu-project mo, at kung gaano ka kagaling umarte.”

Photo: Glen P. Sibonga

Hindi pa raw nasasabi ni Paulo Avelino sa totoong buhay ang mga salitang Kahit Konting Pagtingin, na titulo ng bagong teleserye niya sa ABS-CBN kung saan kasama niya sina Angeline Quinto at Sam Milby.

Hindi pa raw kasi niya naranasang mamalimos o magmakaawa para sa atensiyon at pagmamahal.

“Ako po kasi, kumbaga, magmamakaawa po siguro ako para sa ibang bagay, pero hindi po sa pagmamahal.

“Ang pagmamahal kasi mutual iyan, e.

“Kumbaga, hindi mo kailangang magmakaawa o hindi kailangang magmakaawa ng partner mo para maging kayo,” saad ni Paulo.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paulo sa presscon ng Kahit Konting Pagtingin noong Enero 16 sa Laffline Comedy Bar sa Timog Avenue, Quezon City.

Maging sa pagmamahal ng fans ay hindi niya kailangang magmakaawa dahil noong lumipat siya sa ABS-CBN ay mas lalo pang dumami ang kanyang mga tagahanga.

Ika nga, “yummy” pa rin ang tingin ng marami sa kanya kahit na nagbunga ng isang anak ang relasyon niya kay LJ Reyes.

Ano ang reaksiyon niya rito?

“Ang panahon ngayon, nag-iiba na rin, e.

“Hindi katulad dati na matampuhin masyado yung mga tao, like kung ang isang artista, magkakaroon ng anak o magkakaroon ng nobya na ayaw ng fans, nagtatampo kaagad.

“And mas open sila. Kumbaga, ang importante sa kanila, yung nakikita nila sa iyo sa screen, kung ano ang pinu-project mo, at kung gaano ka kagaling umarte.”

LEADING MAN STATUS. Hindi rin niya kailangang mamalimos ng project sa ABS-CBN dahil kusa nang dumarating ang mga ito sa kanya.

Matapos ba namang kilalanin siya bilang Breakthrough Actor of 2012 dahil sa napakahusay niyang pagganap bilang Nathan sa phenomenal teleseryeng Walang Hanggan, kaya siguradong masusundan ito ng mas marami pang proyekto.