Nakatakdang makita sina Maricel Soriano at Gerald Anderson sa upcoming soap ng ABS-CBN, ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin. Ito ang comeback project ni Maricel sa Kapamilya network, habang ito naman ang unang pagkakataong makakatrabaho ni Gerald ang Diamond Star.

Photo: Noel Orsal

Mayroon bang matinding hindi pagkakaunawaan sina Maricel Soriano at Gerald Anderson?

Noong Biyernes, January 18, umabot sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang balitang sinigawan umano ni Maricel, ang tinaguriang Diamond Star, si Gerald, ang sinasabing bagong prinsipe sa bakuran ng ABS-CBN.


Nangyari raw ito sa set ng teleserye nilang Bukas Na Lang Kita Mamahalin, sa pagitan ng Enero 13 at 14, sa taping na ginagawa sa Commonwealth Avenue area.

Na-pack up ang taping na iyon, ayon sa Twitter posts ng masugid na fans ni Gerald, nang madaling-araw ng Enero 14.

Matapos ang halos dalawang araw na pag-iimbestiga, nakakuha ang PEP ng dalawang sources na nakapagbigay ng kumpirmasyon sa insidente at ng ilang detalye ng pagpapatunay nito.

Ayon sa unang source—isang nagtatrabaho sa ABS-CBN, na siyang prodyuser ng teleserye nina Maricel at Gerald—nakarinig nga siya ng ganoong kuwento mula sa mismong production crew ng soap.

Ang pinag-ugatan: Hindi raw makuha ni Gerald ang dapat niyang gawin sa eksena.

Panimulang kuwento nitong unang PEP source, "Kasi, sa isang eksena daw, ang tagal makuha ni Gerald iyong tamang acting.

"Nakailang takes na e di daw talaga tama ang arte ni Gerald, kaya medyo nainis na si Marya.”

Marya ang tawag kay Maricel sa showbiz. 

Ang pagkainis ng aktres, ayon sa PEP source, ay umabot sa pagsisigaw nito kay Gerald sa harap ng ibang tao.

Sabi ng PEP source, “Bigla na lang daw sumigaw si Maricel, na parang sinabi nitong, 'Ikaw ang cause of delay ng taping!'"

Inamin ng source na ang mga nakausap niyang nakasaksi nito ay hindi lamang sigurado kung iyon lang ang ikinagalit ni Maricel o kung mayroon pang ibang dahilan ang pagtalak nito. 

“Hindi ko alam if hindi ba maganda ang pagkaka-arte ni Gerald sa eksena o hindi nagustuhan ni Maricel ang acting nito,” saad ng source.

Naringgan din daw si Maricel ng, “Ano 'to Direk? Hindi naman niya nakuha ang tamang pag-arte!'"

Dagdag pa raw ni Maricel, "Ayan, mag-sorry ka sa lahat ng crew dahil ikaw ang cause of delay dito!”