Ngayong Year of the Snake ay isang malaking break ang natanggap ng tween actress na si Kim Komatsu. Siya ang napili ng GMA-7 na magbida sa afternoon soap na Serpentina. Sabi ni Kim tungkol sa kanyang pagbibidahang teleserye, “Takot po ako sa mga ahas, pero dahil sa project na ito, magiging matapang ako. Alam ko naman na magiging safe ako sa taping. Kakaibiganin ko na lang ang mga ahas na makakaeksena ko para maging close kami!”

Photo: Noel Orsal

Naiyak sa sobrang tuwa ang Kapuso tween actress na si Kim Komatsu dahil sa malaking break na ibinigay sa kanya ng GMA-7.

Siya ang napiling maging bida sa upcoming afternoon telefantasya ng Kapuso network na Serpentina.

Sabi ng 18-year old actress sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), wala siyang kaalam-alam tungkol sa ibibigay sa kanyang solo project noong araw na pinapunta siya sa GMA Network para sa isang meeting.

Kuwento ni Kim, “Akala ko po kasi story conference yung pupuntahan ko that day. Sinabihan po ako na may meeting sa ganitong oras sa GMA-7.

“Natuwa naman po ako kasi yung last na ginawa kong series was Coffee Prince pa last year.

“Noong nandun na po, biglang sinabihan na po ako ng mga executives na ‘congratulations’ dahil ako na raw ang napili nilang magbibida sa Serpentina.

“Dun po ako umiyak talaga kasi ito na nga ang big break na hinihintay ko.

“Magiging malaking tulong sa akin ang project na ito kaya salamat po sa Kapuso network.”

Nakapanayam ng PEP si Kim sa taping ng Walang Tulugan With the Master Showman noong February 7.

Ang team na namahala sa toprating afternoon series na Sana Ay Ikaw Na Nga ang aalalay kay Kim sa Serpentina.

Magiging leading men niya rito sina Enzo Pineda at Kristoffer Martin, mula sa direksiyon ni Dick Lindayag.



GMA-7 TRADITION. Naging tradisyon na ng GMA Afternoon Prime na mag-buildup ng mga nakakontratang Kapuso stars at bigyan ng solo project bilang stepping stone sa mas magaganda at malalaking TV projects.

Kabilang sa mga na-buildup na ay sina Louise delos Reyes sa Alakdana; Sarah Lahbati sa Kokak; Jackie Rice sa Sisid; Bianca King sa Sinner Or Saint; Gabby Eigenmann sa Broken Vow; Mike Tan sa Kung Aagawin Mo Ang Langit; at sina Andrea Torres at Mikael Daez sa Sana Ay Ikaw Na Nga.

Alam ni Kim na marami ang puwedeng piliin para sa role na Serpentina, pero siya raw ang only choice dahil may certain qualities daw siya na babagay para sa role.

Inamin ni Kim na pinasok niya ang showbiz para matulungan ang kanyang ina, na noong bata pa lang siya ay nagtrabaho na sa Japan para makapag-aral siya.

Matagal na raw kasing hiwalay ang mga magulang ni Kim kaya tumutulong siya para sa pang-araw-araw nilang gastusin.