Nagdiwang ng kanyang ika-labinwalong kaarawan ang nag-iisang anak nina Tonyboy Cojuangco at Gretchen Barretto na si Dominique noong Sabado, February 23, sa kanilang tahanan sa San Miguel, Manila. Wizard of Oz ang napiling tema ni Dominique para sa kanyang debut party.

Photo: Screen grab from ABS-CBN

Noong Sabado, February 23, ay ipinagdiwang ni Dominique Cojuangco ang kanyang 18th birthday sa pamamagitan ng isang magarbo at eleganteng debut party.

Si Dominique ang nag-iisang anak ng aktres na si Gretchen Barretto at ng businessman na si Tonyboy Cojuangco.

Ayon sa report ng The Buzz, umaga pa lang noong Sabado ay sinimulan na ang preparasyon at pag-aayos ng iba’t ibang espesyalista na kinuha para siyang mag-ayos at mag-asikaso ng debut ni Dominique.

Anim na buwan daw ang inilaang preparasyon sa debut ni Dominique na may temang “Wizard of Oz.”

Ginanap ang pagdiriwang sa tahanan ng mga Cojuangco sa makasaysayang compound ng Malacañang sa San Miguel, Manila.

Mula pa lang sa gate ng bahay ay kapansin-pansin na ang malaking mga letrang “OZ.” Mula rito ay maglalakad ang mga bisita sa isang yellow brick road patungo sa loob ng tahanan at hanggang sa itinayong tent sa hardin.

Si JP Montilla ang naging events specialist ng debut kunsaan kakaiba sa mga nakasanayang debut parties ang ginawa niyang set-up. Walang mga 18 roses, 18 candles, at round tables. Sa halip, isang party-atmosphere daw talaga ang gusto ni Dominique.

Ayon naman sa florist na si Joyce Aguilar, gusto ni Dominique na may garden of roses kaya umabot daw sa 300 hanggang 400 na dosena ng pulang bulaklak ang nagamit nila.

Si Margarita Fores naman ang naging chef/caterer sa debut na karamihan daw ng pagkain ay mga paborito rin ni Dominique. 

Si Patrick Rosas ang nag-makeup sa debutante.

Dalawa naman ang isinuot na damit ni Dominique: isang long dress na gawa ni Mitch Dulce at isang party dress mula kay Ivarluski Aseron.

Nang magdatingan na ang mga bisita, bumungad sa kanila ang isang mini-orchestra na tumutugtog ng mga paboritong awitin ni Dominique.

Habang kumakain na ang lahat, pansamantalang umalis si Dominique at dito ipinalabas ang isang short film ng Wizard of Oz na tinampukan mismo ng debutante. 

Nang lumabas ulit si Dominique, suot na niya ang blue party dress at red shoes na mala-Dorothy.

Pagkatapos nito ay tumugtog ang bandang Never The Strangers at hinati na ni Dominique ang kanyang napakagandang seven-layer birthday cake na gawa ni Heny Sison para matikman daw ng lahat.