Hindi sumipot ngayong araw sina Ethel Booba at Ate Gay sa Wowowillie, kaya marami ang nagtatanong kung ano na aang estado ng dalawa sa show ni Willie Revillame. Ayon sa napag-alaman ng PEP, tuluyan nang tinanggal sa show si Ethel habang si Ate Gay ay pababalikin pa.

Photo: Noel Orsal / Glen Sibonga

Hindi lumabas ngayong araw, March 1, sa Wowowillie ang comedians na sina Ethel Booba at Ate Gay.

Ito ay matapos ang insidenteng nangyari sa dressing room ng noontime show ng TV5 kahapon, February 28, kung saan sinigawan diumano ni Ethel si Willie Revillame.

(CLICK HERE to read related story.)

May nakausap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) isang malapit kay Willie. Sinabi nitong sobra raw nasaktan ang TV host sa ginawa sa kanya ng dalawa lalo na kay Ethel.

Ayon sa source, “Nag-sorry naman yung dalawa kay Kuya Wil, pero parang nawalan na daw ng gana itong makasama ang dalawa.

“Parang ang dating daw kasi kay Kuya, walang modo, imbes na nagpapasaya lang dapat sila sa lahat ng mga tao sa audience.”

Dagdag pa ng source, dahil daw sa paninita nila kay Willie dahil hindi sila nanalo, ang dating daw ay “mukhang pera yung dalawa”’

Lumalabas din daw na walang respeto si Ethel kay Willie.



ATE GAY: “I LOVE WOWOWILLIE.” Kagabi, February 28, isang malapit naman kay Ate Gay ang nakausap ng stand-up comedian sa 9th anniversary ng Zirkoh Tomas Morato.

Ayon sa source, sinabi ni Ate Gay na hindi nila sinigawan si Willie.

Ayaw na raw mag-elaborate ni Ate Gay kung ano ba talaga ang sinabi nila ni Ethel kay Willie, pero ang dating daw, “Na-misinterpret ni Kuya Wil ang mga pabaklang reklamo nila sa hindi pagkapanalo.”

Ang tinutukoy ng source ay ang pagkapanalo ng show choreographer na si Anna Feliciano sa "Mini-Concierto" segment ng Wowowillie.

Nag-sorry na raw si Ate Gay at sinabi rin nito sa PEP source na hindi nga raw sila pinag-report ngayong araw, March 1.

Ang mensahe raw ni Ate Gay ay ito: “I love Wowowillie.”



WOWOWILLIE, MARCH 1, 2013. Ganado naman si Willie ngayong araw, March 1, sa opening number nito sa Wowowillie.

Sa segment na “Rock and Rollin,” sinabi niya sa contestants, “Bilisan n’yo ha, ayaw ko ng pabakla-bakla dito.”

Sa segment na iyon, nagkataon naman isang contestant na nagngangalang "Ethel" ang natanggal.