Daniel on admitting relationship with loveteam partner Kathryn Bernardo: “Naku hindi po! Trabaho po muna yung priority namin, close lang kami sa isa`t isa. Basta masaya kami magkasama at magkatrabaho yun yung mahalaga.”

Photo: Melo Balingit

Magkahalong kaba at excitement daw ang nararamdaman ng itinuturing na pinakasikat na young actor sa bansa na si Daniel Padilla.

Nalalapit na kasi ang kanyang solo concert sa Smart Araneta Colisum sa April 30, 2013.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Daniel nang mag-guest ito sa Walang Tulugan with the Mastershowman at bisitahin ang kanyang Ninong German Moreno sa GMA Annex Studio 6.

“Kinakabahan po ako, kasi Araneta Coliseum na yun! Kumbaga ibang level na. Hindi ko kasi inaakala na darating yung time na makakapag-perform ako sa Araneta— tapos concert ko pa.

“Pero excited din ako kasi first time kong magkakaroon ng solo concert at sa Araneta pa, kaya paghahandaan ko talaga ito para na rin sa lahat ng mga taong sumusuporta sa akin.

Anong title ng concert mo?

“Hindi ko pa alam kung ano ang title pero ang alam ko lang sa April 30 na siya.

REMINISCING. Anong nabago sa 'yo ngayong sikat na sikat ka na?

“Dati kasi tumatambay lang ako sa Greenhills at naaalala ko na madalas akong tumambay sa Flapjacks Restaurant at lagi kong nakikita dun si Ninong Germs [German Moreno],” pagbabalik-tanaw ni Daniel sa panahong hindi pa siya sumasabak sa showbiz.

“Kasi pag nakita ako ni Ninong Germs sa Greenhills binibigyan niya ako ng pera. Kaya masaya ako lagi, kasi alam ko pag nakita ko siya doon may pera ako. Hahaha!

“Pero yung nabago sa akin? Wala naman! Kasi kung ano ako nun, ganun pa rin ako ngayon, pero kung dati medyo salbahe ako, ngayon nagbago na ako... hindi na ako salbahe. Hahaha!

“Wala naman sigurong pagbabago maliban sa hindi na ako masyadong nakakapunta ng Greenhills, kasi medyo busy na rin sa dami ng trabaho.

“At kung ano man siguro yung nangyayari sa akin ngayon very thankful ako, kasi hindi lahat nabibigyan ng magandang pagkakataon ng katulad sa akin.

“Kaya naman kahit puyat na, kahit pagod na sa dami ng trabaho, nagtatrabaho pa rin ako ng mahusay hindi lang para sa akin kung hindi para na rin sa pamilya ko .