(Left to right) Kabilang sa mga kandidata sa 2013 Binibining Pilipinas Beauty Pageant ay ang dating ABS-CBN talent na si Pia Wurtzbach, Wiltime Big Time co-host Cindy Miranda, ang anak nina Sandy Andolong at Christopher de Leon na si Mariel de Leon, ex-Eurasia member Theresa Fenger, StarStruck 3 Avenger Rhea Nakpil, at Wiltime Big Time co-host Imelda Schweighart.

Photo: Mark Atienza

Ipinakilala kahapon, Marso 18, sa Makati Shangri-La ang limampung naggagandahang kandidata ng 2013 Binibining Pilipinas Beauty Pageant.

Sa okasyon ng kanilang ika-50 taon, limampung kandidata rin ang ipinakilala ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) sa mga miyembro ng media na dumalo sa presentasyon na iyon.

Ito na ang pinakamaraming kandidata na sumali sa kasaysayan ng Binibining Pilipinas.

Bago ang 2013, ang pinakamaraming kandidatang tinanggap para paglabanan ang mga korona ng Bb. Pilipinas ay noong 2011. Umabot ng 40 ang mga kandidata noon.


SHOWBIZ CONNECTION. Sa mga nagsisali ngayong taon, anim ang galing o kunektado sa showbiz.

Ang una’y si Candidate Number 15 Pia Wurztbach mula sa Cagayan de Oro.

Dating ABS-CBN talent na kilala noon bilang Pia Romero, nagsimula muna siya sa modelling sa edad na 11 bago nag-artista at naging bahagi ng mga programa noon ng Dos tulad ng K2BU (2002), It Might Be You (2003), at Sa Piling Mo (2006).

Nakalabas din siya sa ilang pelikula, tulad ng Kung Ako Na Lang Sana (2003), All My Life (2004), at All About Love (2006).

Pangalawa si Candidate No. 16 Joana Cindy Miranda.

Nag-resign mula sa kanyang pagiging co-host sa Wil Time Bigtime ang 20-year-old na dalaga mula sa Nueva Ecija para maghanda sa kanyang pagsali sa Binibining Pilipinas.

Ang “baby” noon sa Wil Time Bigtime na si Imee ay kasali bilang si Candidate No. 45 Imelda Schweighart.

Noon pa raw balak sumali ng 17-year-old Palawan beauty sa Binibining Pilipinas at may tsismis pa noon na ipu-pull out siya ng home studio niyang Viva.

Pero sabi ni Imee, “No, they’re very supportive. Actually, they told me na after ko raw dito, may mangyari man o wala, they’ll still be there.”

Hindi raw sila nag-abot ni Cindy sa Wil Time dahil nauna siya rito. Nagkausap naman daw sila’t pareho silang natutuwa na kasali na sila sa Binibining Pilipinas.

Noong bata raw si Imee ay gusto niyang maging miyembro ng Philippine swimming team at i-represent ang Pilipinas sa mga international competitions.

Hindi pa rin daw nagbabago ang kagustuhan niyang i-represent ang Pilipinas, pero sa beauty pageant na.