Ipalalabas na ang pelikula ni Jennylyn Mercado na The Bride and The Lover, kasama sina Lovi Poe at Paulo Avelino, sa May 1.
Ito ang romantic-sexy-comedy film na iprinodyus ng Regal Entertainment.
Matagal nang naririnig ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula kay Jennylyn ang pagkainip niya na maipalabas ang pelikula dahil last year pa nila ginawa ito.
May kaba ba siya sa nalalapit na showing ng movie?
“Oo, naman," pag-amin ng Kapuso actress.
"Kasi siyempre, kumbaga, ang tagal na naming ginawa ito. Ang dami nang lumampas sa amin na pelikula.
“Yung parang kami na yung kumuha ng ideas. Parang halos one year in the making itong pelikulang ito.
“Ang dami nang dumaan na mga pelikula na ganoon din ang concept.
“Ang hirap dahil baka hindi na tangkilikin ng mga tao, kasi pare-pareho lang, ‘O, ‘yan na naman uli.’
“Pero sana meron pa rin kahit paano susuporta. Lalo na si Lovi… iba namang grupo ito, e.”
Sa palagay ba ni Jennylyn, kaya na ni Paulo ang magdala ng isang pelikula?
“Sa tingin mo? Hindi ko alam, e. Ayokong magsalita, kasi siyempre… pero malakas naman siya lalo na doon sa Walang Hanggan."
Matagal nang nagwakas na priemtime soap ni Paulo sa ABS-CBN na Walang Hanggan, na pinagbidahan din nina Coco Martin at Julia Montes.
Patuloy ni Jennylyn, “Sana nga lang, magustuhan ng mga tao—yun lang naman yung kaba ko, e.
“Silipin naman nila yung movie dahil iba naman yung team-up na mapapanood nila.”
JOHN LLOYD FAN. Isa pa sa ikinakaba ni Jennylyn ay ang pagiging box-office hit ng ipinalalabas ngayong movie nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na It Takes A Man and a Woman.
Dahil sa success ng romantic-comedy movie na ito, baka raw maapektuhan ang pelikula nila nina Paulo at Lovi.
“Yun nga, e. Romantic-comedy rin naman yung movie namin na merong konting sexy. Cute rin naman siya.”
Papanoorin ba niya ang pelikula nina John Lloyd at Sarah?
Mabilis pa sa alas-kuwatro na sumagot si Jennylyn.
Aniya, “Oo, naman! Umaga pa lang, tumawag na ako sa Podium at nagpa-reserve ako ng tatlong tickets.”
Aminado ang Kapuso star na fan siya ng tandem nina John Lloyd at Sarah.
“Lahat pinanood ko simula pa A Very Special Love at saka yung pangalawa… cute, e. Totoo, cute talaga, e.
“Ewan ko, basta pag may John Lloyd, nanonood ako.
"Actually, Toni Gonzaga-John Lloyd, pinanood ko rin.
“Basta about John Lloyd... ang galing niya, nakakatuwa siya.
“Alam kong hindi maganda yung katawan niya, hindi siya macho. Pero very charming.
"Saka pag umaarte siya, ang galing!”
Gusto ba niyang makasama si John Lloyd sa movie?
“Oo naman! Baka ikamatay ko yun!” bulalas niya saka tumawa.
Alam ba ito ng boyfriend niyang si Luis Manzano?
“Oo, naman… oo, naman!” mabilis niyang sagot.
ROM-COM PROJECT. Kung bibigyan ng chance si Jennylyn na pumili ng susunod niyang serye, gusto niyang subukan ang romantic-comedy.
Pero mukhang hindi raw ito ibibigay sa kanya ng GMA-7.
“Kasi, parang mas gusto nila yung kinakawawa ako, yung umiiyak ako, inaapi, mahirap—parang doon yata ako bagay sa tingin nila.
“Saka ayoko namang mag-demand. Mahirap naman yung mag-demand, nakakahiya naman sa GMA-7.
“Hahayaan ko na lang na bigyan nila ako ng kung anong projects na sa palagay nila, bagay sa akin.
“Malay mo, bigla nila akong bigyan ng romantic-comedy na project. E, di maganda.
“Pero hindi ako magri-request or magdi-demand, nakakahiya yun.
“Saka hindi naman nila ako pinababayaan, sunud-sunod yung projects ko."
Imposible rin raw na makagawa sila ng kahit na anong project ni Luis lalo na romantic-comedy movie.
“Malabo,” sabi ni Jennylyn.
“Yung both sides kasi, ayaw namin, e… yung parang gamitin ang relationship sa ibang trabaho.
“Parang ayaw naming pagkakitaan yung relationship namin. Ayaw namin ng ganoon.
"Mas gusto naming kanya-kanya kami.”
Bakit pumayag siya sa isang cameo role sa Moron 5 and The Crying Lady, ang pelikula ni Luis kasama sina Billy Crawford, Marvin Agustin, Martin Escudero, DJ Durano, at John “Sweet” Lapus?
Paliwanag ni Jennylyn, “Naglambing kasi si Direk Wenn [Deramas]. ‘Puwede ka bang mag-cameo?’
“So, sabi ko, ‘Sige, Direk!’ Alangan namang tanggihan ko?
“So, ipinaalam ko agad… hindi naman siya Star Cinema, so puwede.”
