Maraming mami-miss si Bettina Carlos sa pagtatapos ng Temptation Of Wife ng GMA-7 ngayong Biyernes, April 5.
Inisa-isa niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung sinu-sino at anu-ano ang mami-miss niya sa drama series.
Umpisa niya, “Lahat po mami-miss ko, kasi halos six months kaming nagkasama.
“Pero pinaka mami-miss ko si Angeline. Kasi siya ang lagi kong kasama sa eksena at kadaldalan.”
Si Marian Rivera, na siyang gumaganap na Angeline sa Temptation Of Wife, ang tinutukoy ni Bettina.
“Mami-miss ko ang pag-iingay niya at pagpapakain.
“Hindi marunong matulog ang babaeng ‘yan kahit puyat!
“Lalo pang dumadaldal at nagigising dahil sa tsokolate!
“Nagkakilala na rin kaming mabuti ni YanYan [palayaw ni Marian] kaya mami-miss ko na regular siyang nakikita halos linggu-linggo.
“Si Direk Dominic Zapata din mami-miss ko. Although matagal ko nang kilala si Direk Dom by face and name...
“First time ko siyang makatrabaho at mas nakilala. Nakakatawa at nakakatuwa si Direk Dom.
“Puro patawa at steady lagi, parang walang pressure, pero pumapalo sa ratings ang shows niya!”
EXPERIENCES. Ano ang mga bagay na hindi makakalimutan ni Bettina sa Temptation of Wife?
“Ang pinaka hindi ko malilimutan ay siyempre na nagmarka po kahit papaano si Tiya Madel sa puso ng mga manonood namin.”
Ang papel naman ni Tiya Madel ang ginagampanan ni Bettina sa Temptation of Wife.
“Kahit na hindi nga ako ang original na ikinast nila, mukhang nataypan naman ako ng viewers na magbaliw-baliwan.
“At napakalaki po ng pasasalamat ko sa Itaas dahil dito."
Nagsaad ng mga karanasan na hindi makakalimutan ni Bettina.
“Pero kung may isang hindi ako malilimutang moment, iyon ay noong hindi ko akalaing tulungan ako ni YanYan na mag-prepare sa isang scene, na kung tutuusin ay hindi naman super-big o heavy scene.
“Sabi ko nga sa kanila, kaya kong magpatawa at magbaliw-baliwan on-the-spot pero kapag may luha at iyakan na, kailangan ko ng konting time to prepare and internalize.
"At hindi ako si Marian Rivera na pag-'Action!', tulo kaagad ang luha.
“Hindi kasi nag-a-actor’s cue si YanYan so nakaka-pressure.
“Parang dapat nagbibihis pa lang ako, e, ume-emote na para pag-blocking, rumorolyo na ang emosyon ko!” sabay tawa ni Bettina.
Patuloy niya, “E, may isang eksena, pina-take two ni Direk kasi gusto niya talaga, iyak.
“So, pumasok ako sa loob ng bahay at nagmukmok at mag-e-emote sana sa isang sulok.
“Tapos, nagulat ako pumasok si Yan, tapos niyakap lang ako, tapos dinama lang niya 'ko. Wala siyang sinabi.
"After five seconds, bumabaha na ng luha ang mga mata ko.
“Magical moment sa akin yun, kasi first time kong naranasan yung ganoong rapport with a co-actor.
“Lalo na, na hindi ko naman hiningi yung tulong ng kaeksena ko na tulungan ako mag-internalize.
“Pero without even asking, nag-initiate si Yan... she offered.
“Hindi ko yun makakalimutan talaga.
"Hindi naman niya ako kailangang tulungan pero she did.
“Sobrang humbling ng experience na iyon for me at humanga ako lalo sa kanya.”
LESSONS LEARNED. Ano ang mga natutunan ni Bettina sa kanilang drama series?
“Natutunan ko sa Temptation of Wife na makikita mo kung sino talaga ang mga nagtatrabaho...
“Dahil gusto at mahal nila ang ginagawa nila at sino ang dahil marahil sa pangangailangan o napipilitan lang.
“Nakita ko kung sino talaga ang mga passionate sa trabaho nila.
“Lalo akong humanga at lumawig ang respeto ko sa mga taong ito.”
Ano ang next project ni Bettina after Temptation of Wife?
“Wala pa pong next soap pero magpo-focus muna ako sa hosting.
“Kasi, ito talaga ang gusto kong ma-establish, bilang host talaga—both sa TV and sa mga live events,” pagtatapos ni Bettina.
