Maselan ang pagbubuntis ng aktres na si Iwa Moto kaya inabisuhan siya ng kanyang doktor na mag-complete bed rest noong nakaraang buwan.
Pero ngayon ay puwede nang maglakad-lakad ulit si Iwa dahil maayos na ang kapit ng baby sa kanyang sinapupunan.
Sa pakikipagkuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Iwa sa Facebook kahapon, April 9, sinabi niyang nahirapan siya sa first trimester ng kanyang pagbubuntis sa baby nila ni Pampi Lacson.
Para raw maiwasan na may mangyari sa baby nila ay complete bed rest ang iniutos sa kanya ng doktor.
Kuwento ng StarStruck alumna, “Medyo hirap ako noong first three months.
“Hindi ako puwedeng tumayo nang matagal, maglakad-lakad. Talagang sa kama lang ako.
“Ako pa naman, hindi ako mapakali kapag nasa bahay lang ako, di ba? Gusto ko yung may ginagawa ako.
“Pero para na rin sa maayos na pagbubuntis ko, kailangang sundin ko ang doktor.
“Ngayon, okey na ako. Puwede na akong maglakad-lakad. Unlike last month na talagang hirap ako.
“Kailangan ingat pa rin ako. Hindi puwedeng biglain ko ang lahat.”
BOY OR GIRL? Five months na ang dinadala ni Iwa, pero hindi pa raw nila alam ni Pampi kung lalaki o babae ang kanilang magiging anak.
Ayon kay Iwa, “Sabi kasi ng OB ko, sa ika-sixth month na lang daw namin ipa-ultrasound para sure na makikita na namin ang gender ng baby.
“Excited na rin kami ni Pampi kung boy ba or girl.
“Ang sa akin lang, gusto ko na normal at healthy ang baby namin.
“Yun din naman ang gusto ni Pampi.
“Kahit nga si Thirdy, excited nang malaman kung may baby brother or baby sister na siya.”
Si Third yang anak ni Pampi sa nakahiwalayan nitong asawa na si Jodi Sta. Maria.
NO REGRETS. Wala naman daw regrets si Iwa sa kanyang pagbubuntis dahil masaya ang pakiramdam niya araw-araw.
Habang lumalaki nga raw ang tiyan niya ay unti-unti na niyang nararamdaman ang pagiging isang ina.
“Nakakagulat pa rin—hindi pa rin ako makapaniwala.
“Wala akong regrets. Wala akong pinagsisisihan.
“Gusto ko itong nangyayari sa akin. It’s about time na rin na maranasan ko ang maging isang mother.
“Alam naman ng mga nakakakilala sa akin na love ko ang kids.
“Kung sa ibang bata nga natutuwa ako, what more sa sarili kong baby, di ba?
“Kaya masaya ako. Walang makakapantay sa nararamdaman ko ngayong happiness.”
ON HOLD. Dahil nga sa biglaang pagbubuntis ni Iwa ay naudlot ang mga plano sa kanyang career. On hold daw muna ang mga ito hangga't hindi pa siya nakakapanganak.
“Oo nga, e. Maraming plano na natigil muna.
“May endorsement nga sana ako na kailangan sexy ako, yung Titan X3.
“Actually, nakapag-pictorial na ako para dun. Kaso hindi naman nila mailabas pa dahil buntis nga ako.
“Naintindihan naman nila ako. Tsaka kumpare ko naman ang owner nung ie-endorse kong product kaya okey lang.
“Itutuloy na lang natin kapag nakapanganak na ako at bumalik agad ang dati kong figure.”
IGNORING THE BASHERS. Dedma na lang daw si Iwa sa mga hindi magagandang sinasabi ng ibang tao sa kanya.
Ayaw raw niyang masira ang na-achieve na niyang peace of mind.
Saad niya, “Maging masaya na lang sila sa akin at sa baby ko, di ba?
“Ako naman, wala akong ibang hangad kundi ang maging masaya at tahimik ang buhay ko kasama ang mga taong mahal ko.
“Dumaan na ako sa maraming gulo sa buhay. This time naman, ibigay na nila sa akin ang happiness na ito.
“Hindi ko na lang pinapansin ang mga negative comments sa akin. Mai-stress lang ako, di ba?
“Opinion na nila ang mga iyon kaya nirerespeto ko iyon.
“Basta ako, I’m happy at iyon ang importante.”
Miss na nga ni Iwa ang maging busy sa showbiz kaya sisikapin niyang bumalik sa trabaho kapag nakapag-adjust na siya sa kanyang pagiging mommy.
“Kahit miss ko ang showbiz, siyempre, priority ko ang baby ko.
“Siguro mga first two or three months, mother muna ako. Kapag okey na ang lahat at puwede na akong mag-diet at mag-workout, gagawin ko agad iyon.
“Iba na rin yung maging handa just in case na bigla akong mabigyan ng trabaho.”
ANNULMENT. Tungkol naman sa annulment ng kanyang kasal kay Mickey Ablan na noong isang taon pa niya pinaasikaso, quiet na lang daw muna si Iwa tungkol dito.
“Ayoko na siyang masyadong pag-usapan pa. Mahirap na at baka maudlot at lalo pang tumagal.
“Ipinagdarasal ko na maging maayos na para sa aming lahat,” sabi niya.
