Magkahalong tuwa, saya, at pagkasuya ang nararamdaman ni Rita Avila habang nalalapit na ang pagtatapos ng teleseryeng Never Say Goodbye ng TV5.
Balitang sa unang linggo ng Mayo ipalalabas ang concluding episodes ng Never Say Goodbye.
Kaya sa kasalukuyan ay itini-tape ni Rita ang ilang mabibigat na eksena—kasama ang co-actors na sina Sophie Albert at Alice Dixson—na direktang may koneksiyon sa kanyang character bilang Greta.
Si Sophie, bilang Kate, ay lumitaw na totoong anak ni Greta; habang si Alice, bilang Criselda, na foster mom ni Kate, ay mortal na kaaway ng Greta character.
Kapwa "nabaliw" ang mga tauhang ginagampanan nina Rita at Alice.
"Hindi ko na alam ang nangyayari!" natatawang pagtukoy ni Rita sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Miyerkules, April 10.
"Nabaliw ako talaga rito, tapos gumaling, naghiganti.
“Siya [Alice], nabaliw din; parang mas grabe ang magiging parusa niya…”
Ngunit ayon sa mga naglabasang ulat, higit pang "nagbaliw-baliwan" si Alice sa mga eksena nila, na labis na ikinairita ni Rita.
Kung ano man ang mga naglabasang ulat sa ilang tabloids kamakailan ay binigyan naman ni Rita ng kumpirmasyon.
As in, totoo nga raw na nagsalita si Alice ng cuss words o panunungayaw ng wala sa script.
"After the take 'yon, e... nakaka-bad trip!" sabi ni Rita.
Totoo rin daw na nag-walkout si Rita minsan dahil sa tagal ng paghihintay kay Alice.
"Nakakapikon talaga!” naiiling na sabi ni Rita sa pangyayari.
Ano sa palagay ni Rita ang dahilan kung bakit ganoon ang naging behavior ni Alice sa pagtrabaho nito?
"Ang narinig ko, parang may complaint siya na, 'Saan napupunta yung role ko?'
"E, ang akin naman, it's her right din to ask. Wala namang masama dun.
"Ako naman, inosenteng... na tinanggap ko lang yung offer na ito," saad ni Rita.
THREATENED. May impression din ang ilang observers na tila na-intimidate o na-threaten si Alice sa naging strong presence ni Rita sa umpisa pa lang na napanood ito sa ilang mahahalagang eksena ng drama series.
Na ang naging attitude diumano ng former beauty queen-actress ay ang "gumanti" sa co-stars tulad ni Rita sa sarili nitong pamamaraan.
Ano ang comment ni Rita rito?
"Hindi rin natin alam, kasi I'm not working [the way she does]...
“Besides, kaya ka nga artista, you do things na ina-acting mo—hindi para totohanang manakit o masaktan nang todo sa kaeksena mo.
"Tsaka, dyusko naman, tumanda na ako sa industriyang ito.
"Alam mo yung... I respected my co-stars and I have been respected by my co-stars also."
LAST ENCOUNTER. Sa dalawang nalalabing tapings ng Never Say Goodbye, ngayong April 12 at April 15—kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa schedules—ay hindi na raw ganung kakumportable si Rita.
"Nabawas na yung mga fight scenes namin," aniya, referring to Alice's Criselda character.
"Pero yun nga, there's this one last…”
May huling engkuwentro diumano sina Greta at Criselda na higit pang pisikal o bayolente.
"Ang alam ko, nagpapahingi ng double for me ang manager ko," banggit pa ni Rita.
Si Rita ay mina-manage ni Malou Choa-Fagar, na siya ring big boss sa Eat Bulaga!
Dagdag ni Rita, "Pero, I don't know how it will go.
"Hindi naman ako mayabang na artista, na nampu-provoke.”
HAPPY WITH TV5. Sa isang banda, hindi raw nagtatanim ng anumang sama ng loob si Rita. Hindi rin daw siya natatakot sa kabila ng naoobserbahang "kakaibang behavior" ng isa sa co-stars niya sa nasabing teleserye.
"Masaya naman ako sa mga tao dito," sabi niya.
Ano ang pinaka nagustuhan niya sa pagtatrabaho nang regular sa Never Say Goodbye o sa TV5?
"Surprisingly, ang ganda-ganda ng role!
“Oo, parang since the beginning, every time I read the script, natatawa ako, excited ako!
"At saka ano, I felt I was well-taken cared of [by TV5]—sa damit, sa make-up."
Kahit hindi siya contract star ng Kapatid network, natutuwa si Rita sa pagtrato sa kanya ng studio.
"Never naman akong naging contract star. Parang hostess ako... kahit saan!" natawang sabi niya.
HAPPY WITH FORMER SEIKO ACTORS. Kapwa dating Seiko Films contract actors din ang mga nakasama ni Rita sa Never Say Goodbye, tulad nina Cesar Montano at Gardo Versoza.
Back in the old days, ika nga, masaya ang tatlo sa kuwadra ng isa sa Top 3 movie companies ng '80s and '90s na pag-aari ng producer na si Robbie Tan.
Sabi ni Rita, "Wala akong ganitong experience.”
Ang ibig sabihin ng aktres ay wala siyang nakabangga noon kina Gardo at Cesar, di gaya ng nangyari sa kanila ngayon ni Alice.
"E, ako naman, talagang I prayed hard. Ayoko namang sirain ang pagkatao ko.”
[Ed's Note: Hinggil sa mga naging pahayag ni Rita Avila, bukas ang PEP sa panig ni Alice Dixson.]
WHAT'S NEXT AFTER NEVER SAY GOODBYE? "Hindi ko pa alam. I don't really plan," sabi ni Rita.
Bago dumating ang Never Say Goodbye, pawang guest roles ang ginagawa ni Rita sa TV5 shows—kasama na ang Enchanted Garden, Face to Face, at Untold Stories.
"Ito ang first full-length role ko sa TV5.
"Kasi normally, two months ang pagitan...
“E, itong NSG, after two weeks, kakatapos ko lang nung last ko sa GMA.
"Nagulat ako, hindi pa ako handa!
“Parang ang dami ko pang gustong gawin sa bahay—magligpit-ligpit, ganyan, maging normal muna.
“Tapos, biglang ganyan, taping agad."
Wala pang bagong offer na teleserye o show kay Rita sa ngayon.
"Open naman kami ni Malou, I'm easy to talk to," sabi ng batang tignan ngunit batikang aktres.