Joem Bascon on doing intimate scenes with friend Jake Cuenca: “Feeling ko, after nito, hindi muna kami magkikita ng isang linggo. E, kasi kahalikan mo, baka mamaya kainuman mo bigla.”

Photo: Jocelyn Dimaculangan

May love scene sina Joem Bascon at Jake Cuenca sa pelikulang Lihis na ididirek ni Joel Lamangan at isinulat ni Ricky Lee.

Ang pelikulang ito ay entry sa Sineng Pambansa All Masters Series Film Festival ng Film Development Council of the Philippines.

Ito ang unang pagkakataon ng ganitong klaseng eksena sina Joem at Jake.

Sabi ni Joem sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Gusto kong maipakita na kaya kong gumawa ng isang film, gay role na makikita ninyo na kaya ko talaga siyang gawin.

“Hindi yung, 'O, kontrabida ka na naman, lagi na lang ganito.' Gusto ko na iba naman talaga.”

Hinahabol din ba niya ang magka-award at mapansin?

Sagot ni Joem, “It’s not the award but fulfillment for myself. Gusto ko lang talagang magawa nang tama.”

Ano ang pinakamatinding requirement niya sa pelikula na medyo “hesitant” siyang gawin?

“Magpapakita kami ni Jake, may nudity talaga kami ni Jake. First time namin ni Jake na magla-love scene na same sex,” sagot niya.

Sa pagkuwento ni Joem tungkol sa kani-kanilang papel sa pelikula, si Jake daw talaga ang nagtatagong bading habang siya naman ay nagising lang sa sekswalidad niya noong may nangyari na sa kanila.

Hindi naman daw nagdalawang-isip si Joem sa pagtanggap sa nabanggit na “lihis” na role.

Saad niya, “Actually, it was offered kay Baron [Geisler]. Siya talaga ang na-cast sa role ko. Tapos, nagkaroon ng changes.

"At sabi ko nga, sige, gagawin ko yun for Direk Joel Lamangan and Sir Ricky Lee.

“Happy na rin ako, at least, si Jake ang kasama ko, kumportable na rin ako.”



COMFORTABLE WITH JAKE. Malaking bagay kay Joem na si Jake ang makakaeksena niya dahil magkabarkada raw sila at nagkasama na noon sa ilang teleserye.

Aniya, “Magbarkada kami ni Jake kaya mas kumportable ako na siya ang kahalikan ko.”