Pagkatapos ng limang taon ay nagbabalik sa ABS-CBN ang actress-TV host na si Alex Gonzaga. Pumirma ng two-year exclusive contract si Alex.

Photo: Arniel C. Serato

Dalawang taon ang pinirmahang kontrata ni Alex Gonzaga sa ABS-CBN, at kasama na rito ang pagiging bahagi niya ng talent arm ng network na Star Magic.

Matatandaang dati nang taga-Channel 2 si Alex.

Ang screen niya noon ay Cathy Gonzaga pero naging Alex ito nang siya ay lumipat sa TV5 kung saan siya ang naging main host ng Juicy.

Nagbida rin siya sa mga teleseryeng Babaeng Hampaslupa, BFGF, Glamorosa, P.S.I Love You, at Enchanted Garden sa Kapatid network.

Ngayon, makalipas ang limang taon, balik-Kapamilya na ulit siya.

Sa panayam sa kanya ng Umagang Kay Ganda kahapon, April 16, ikinuwento ni Alex na masaya siya sa mainit na pagsalubong sa kanya ng dati niyang home network.

Aniya, “Sobrang saya ko talaga dahil winelcome muli ako dito sa Kapamilya network, sa ABS-CBN.

“Parang iba yung feeling ko na first time ay nakatabi ko sila Ma’am Charo.”

Dumalo rin sa contract signing ni Alex ang mismong president at chairman ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio.

Tatlo agad ang nakapilang proyekto ni Alex sa Dos.

Una na rito ang pagiging co-host niya sa The Voice of the Philippines, kung saan main host nito ay ang kanyang kapatid na si Toni Gonzaga.

Magiging parte rin si Alex ng gag show na Banana Split at may gagawin daw siyang teleserye.

Saad pa niya, “As of now, hindi ko muna yun pinapansin [lovelife].

“Kasi I’m really, really happy, occupied muna kami na sobrang saya ko talaga na yun, na naka-sign na ako ng contract and then na-welcome back ako dito sa ABS.”

Sa kabilang banda, masaya naman si Toni para sa kanyang nakababatang kapatid na makakasama na niya sa iisang istasyon.