Dahil maglilimang taon na ang relasyong Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap, marami ang nagsasabing puwede na silang magpakasal.
“Hindi pa siya nagpo-propose,” ang sagot naman ni Rochelle nang tanungin siya kung kailan nila balak makipag-isang dibdib.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rochelle sa presscon ng Home Sweet Home sa 17th floor ng GMA Network Center nitong Martes, April 16.
“Naku, marami pang mauuna diyan, matagal pa kami,” sabay tawa ni Rochelle.
SECRET MARRIAGE? O baka naman lihim na silang kasal?
“Hindi pa, ah... hindi pa! 'Tsaka hindi na namin ililihim iyon, Diyos ko!
“Dito na yung trabaho namin simula’t sapul so parang napaka-ano namin kung ililihim pa namin.”
Wala pa ba silang napag-uusapan?
“Wala pa naman. Ano lang... yung mga joke-joke lang na ilang anak...
“Yung ganoon, na, ‘Ay, ayokong manganak, masakit yun!’ Yung ganoon.”
Kung si Rochelle ang tatanungin ang gusto raw niyang kaunti lang ang kanilang magiging anak.
Sabi niya, “Dalawa lang po. Gusto ko boy and girl. Gusto niya apat.
“Kasi siguro dahil kaming magkakapatid apat kami, so gusto ko dalawa lang.
“Sila naman, dalawa lang silang magkapatid, so gusto niya apat.”
PROPOSAL. Hindi pa nagpo-propose ng kasal si Arthur. Ano kaya ang kanyang magigina reaksyon kung sakaling alukin na siya nito?
“E, di go!” bigla niyang sagot.
Papayag na ba siya?
“Oo naman po! Hindi naman ako fifteen years old para…
“Diyos ko, eighteen years old na ako!” pagbibiro pa ni Rochelle.
“Nasa right age na naman ako.
“Siyempre paplanuhin pa naman yan, e, and... di ba?
“Siyempre, 'tsaka sinabi ko rin naman sa kanya, na kung sakaling ikakasal tayo, gusto ko yung talagang masayang kasal...
“Yung wedding na… Yung time na nag-aaway kami, gusto ko yung mga tumulong sa amin para ma-resolve yung away namin...
“Yung ganoon, yung pahiwalay na part... gusto ko yung mga...
“Basta, yung mga taong nasa side namin na hindi kami inalisan na hanggang ngayon kaibigan pa rin namin.”
LOVERS' QUARREL. Ano ang pinakamatindi nilang away ni Arthur?
“Ano... puro ugali lang ng isa’t isa. Yung mga adjustment, na ang hirap kasi... ano, e.
“Siyempre, yung image ko dati, sobrang malandi. Pero nagulat kasi siya na manang ako.
“Akala niya, ano ako, parang laging lumalabas, so akala niya nagsisinungaling ako... yung mga ganoon.
“Pero nasa bahay lang naman talaga ako, nagulat siya.
“E, di noong nalaman niyang nasa bahay lang naman talaga lagi ako, e, di dalawa na kaming laging relaxed lang sa bahay. Ganoon.
“Tapos, lalabas lang kami kung manonood ng sine or ganito, magtatrabaho... Ganoon.”
Sa side ni Arthur, ano ang pinag-awayan na nila?
“Yung temper niya. Minsan hindi niya nako-control... minsan lang naman.”
Pero never daw siyang napagbuhatan ng kamay o nasaktan ng pisikal ni Arthur.
“Subukan niya!” sabay tawa ni Rochelle.
Madali raw lang minsan magalit si Arthur.
“Siguro pag artista ka talaga, minsan... minsan, may mga tao talaga na naa-apply yun sa buhay, e, so yung ganoon.
“So ngayon, naaaral na niya na hindi. So, wala na.”
Walang bang third party na naging dahilan ng away nila?
“Wala pa naman,” pagsisiguro ni Rochelle.
ENHANCEMENTS. Samantala, iniintriga si Rochelle na tila nagbago ang itsura niya, na baka raw nagparetoke ito.
“Pumayat! Nagka-bangs po ako, kaya …”
Wala siyang ipinaretoke?
“Wala po, wala po.
“Sa mukha, may nagsabi kanina... sa mata ko, wala naman. False eyelashes lang 'to.”
Ayaw niya talagang ipagalaw ang kanyang mukha.
“Takot ako sa... kasi, okay na po yung buhok na nababago.
“Kasi, matagal nang long hair na black lang yung buhok ko, so ngayon, ayan... pagupit ng bangs.”
Sa katawan ay papayag naman siya.
“Sa katawan, keri lang, kung magpapapayat ako, why not, di ba? Sa ngalan ng career.”
Kung breast enhancement?
“O, bakit hindi? Go-go ko ‘yan. Kaya lang sa mukha kasi, natatakot ako.
“E, baka mamaya, kung ano ang mamaga o gumuho or what,” at muli siyang tumawa.
CONSERVATIVE. Nag-FHM sexy pictorial na noon si Rochelle ng dalawang beses, pero as part of her group na Sex Bomb, pero solo ay hindi pa.
“Medyo may pagka-lolo kasi si Art, so malabo at saka ayoko din, nahihiya ako.
“Pag pumayat na ako... pag pumayat na ako,” sabi niya.
May “pagka-lolo” si Arthur, pero may pictorial dati ito sa isang magasin na naka-trunks lamang.
“A... siguro stepping stone. Kahit naman ako noon, e, sexy kaming manamit, e. Actually hanggang ngayon.”
Kapag mag-asawa na sila at naisin ni Arthur na huminto na si Rochelle sa showbiz, papayag ba si Rochelle?
“Oo naman! Basta alam niya yung responsibilidad na tinatawag... so ganoon.
“Alam naman niya ‘yan, tsaka napag-uusapan na rin namin yun.
“Kung sakaling yung ganitong may mga limitations na, siyempre...
“Like yung sinasabi kanina nila Ate Gladys na, siyempre, kung magkaka-anak ka, dapat maganda kang ehemplo ng anak mo.
“So siguro, ang pangit naman kung... Di ba? Ikaw yung nakikita sa TV ng anak mo or mabu-bully siya, yung mga ganoon.
“So, siyempre mas magandang ikaw yung idol nila.”
MONEY MATTERS. May nadiskubre naman kami tungkol sa relasyon nina Rochelle at Arthur.
Kapag nagde-date daw sila, hati sila sa lahat ng gastos—na hindi porke si Arthur ang lalaki ay ito ang nagbabayad.
“Ang pinag-usapan lang namin, kunwari magde-date kami or lalabas kami, kunwari simpleng manonood ng sine, hati kami—kahit sa popcorn.
“Kunwari siya magbabayad ng pagkain, ako sa sine, or ako ang sa pagkain, siya sa sine, yung ganoon.
“Kasi pareho kaming may trabaho, e.
“Noong una pumayag ako na ilibre niya ako, kasi siyempre, may pride ang mga lalaki.
“Pero noong time na nagiging maayos na kami, siyempre, ‘Kailangan i-settle natin ito, ayoko naman yung laging ikaw.’”
Buhat noon, lagi na silang hati sa gastos.
“Oo, para wala kaming away about sa pera, kasi iyon yung pinaka-ayokong pinag-aawayan... pera!”
Kahit raw mga bakasyon na out-of-town…
“Hati kami! Kahit sa room, kahit two thousand pesos yun, tig-one thousand kami doon.
“Kahit sa pagkain, hati talaga sa lahat. Or, maglalagay kami ng pot money...
“Tig-one hundred dollars kami. O, iyon uubusin namin yun sa buong trip.
“Tsaka kami yung klase ng relasyon na lahat talaga ng okasyon, pinagse-celebrate namin.
“Simula nang... January birthday niya, Valentine’s Day... pero lahat yun sagot niya,” at tumawa si Rochelle.
“Birthday ko, so iyon naman, e, mga surprises niya na hindi ko na yun napipigilan, e.”
Sa mga ganoong pagkakataon naman ay si Arthur lamang ang gumagastos.
“Opo. Minsan, ako naman yung... basta mga ganoon.”
Ano ang pinakamahal na regalong naibigay na sa kanya ni Arthur?
“YSL na shoes.”
At Louis Vuitton shades naman ang pinakamahal na naibigay na Rochelle kay Arthur.
CAST. Sa Home Sweet Home, bukod kina Arthur (bilang si Kulas) at Rochelle (bilang si Wendy del Valle), mapapanood rin sa bagong GMA-7 show na ito sina Raymart Santiago (bilang Reden Caharian),. Roxanne Guinoo (bilang Dulce Caharian), Jake Vargas (bilang Benjie Caharian), Jillian Ward (bilang Jessie Caharian), Rain Quite (bilang Ivan Caharian), Bea Binene (bilang Lucy Buena), Arkin Magalona (bilang Arko Buena), Patricia Ismael (bilang Mikay), at sina Gladys Reyes bilang Agoncilla Caharian at si Miss Celia Rodriguez bilang si Pandora.
Ipapalabas na ngayong Lunes, April 22, ang Home Sweet Home ay sa direksyon ni Gil Tejada, Jr.
