Nag-post ng dalawang larawan sa Instagram ang aktres na si Claudine Barretto kunsaan makikita ang luxury car na Porsche ng kanyang asawa na si Raymart Santiago. Ang "controversial Porsche" na ito ay nabanggit sa patutsada diumano ng mga kapatid ni Claudine na sina Gretchen at Marjorie Barretto.

Photo: Noel Orsal / Instagram

Hindi sumagot at tumahimik lamang si Claudine Barretto sa mga diumano’y patutsada sa kanya ng mga kapatid na sina Gretchen at MarjorieBarretto sa photo-sharing website na Instagram.

Matatandaang kumalat sa Internet ang mga post diumano ni "Gretchen" noong April 13 sa kanyang Instagram account na "gretchenbarretto."

Kabilang sa post ni "Gretchen" ay ang mensaheng ito:

“Yuck. You know what yuck is? Your husband walked out coz you[r] violent ways. What exactly did you do to his Porsche? His laptop? Etc. oh pls reflect and go to your happy place..Medical City.”

Nag-post din ng mga mensahe ang kapatid ni "Gretchen" na si "Marjorie" bilang sagot sa mga post ni "Gretchen."

Bagamat walang binanggit na pangalan, naniniwala ang karamihan sa mga nagkomento ng ang tinutukoy nina "Gretchen" at "Marjorie" ay ang bunso nilang kapatid na si Claudine.

(CLICK HERE to read related story.)

Kaugnay ng isyung ito, dalawang magkasunod na posts ang inilagay ni Claudine sa kanyang Instagram account (claubarretto) kahapon, April 21, na may parehong larawan ng luxury car na Porsche, na pag-aari ng mister niyang si Raymart Santiago.

Sa unang litrato, makikita ang isang Porsche na may caption na "Raymart’s Porsche’s 1."

May 332 likes na ito at 34 comments.

Sa pangalawang litrato naman ay makikita ang tila masayang paglilinis ni Claudine sa nasabing kotse kasama ang anak nila ni Raymart na si Sabina.

May caption ang naturang larawan na "The Controversial Porsche."

May 327 likes na ito at 80 comments.

Karamihan sa mga comment ay nagpapahiwatig ng pagka-miss nila sa kanilang idolo.

May mga nagtatanong din kung kailan magkakaroon ulit ng proyekto si Claudine, at may mga nagsasabi ring bumalik na siya sa ABS-CBN.