Ibinalita ni Winwyn Marquez sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nasa ilalim na siya ng Mercator Artist and Model Management, Inc.
“Kasi po, kakalipat ko lang sa Mercator under Jonas Gaffud at kay Tita Geleen [Eugenio].
“Bale, silang dalawa po ang magma-manage sa akin. Recently lang po ako lumipat,” saad ni Winwyn.
Ang Mercator ay kilala sa pagha-handle ng mga beauty titlists gaya ni Miss Universe 2010 4thrunner-up Venus Raj, Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup, at Miss Universe 2012 1strunner-up Janine Tugonon.
Alaga rin ng Mercator ang newly-crowned Miss Universe Philippines na si Ariella Arida.
ASPIRING BEAUTY QUEEN. Hindi itinanggi ni Winwyn na ang paglipat niya sa Mercator ay para sa pagnanais niyang maging beauty queen.
Paliwanag niya, “May plano po kasi akong sumali sa Binibini [Binibining Pilipinas].
“So, kinausap ko siya [Jonas Gaffud, Mercator head] kung puwede niya akong tulungan o i-train.
“And then eventually, ‘eto na, co-management na yung pinag-usapan.
“So, aayusin pa kung ano ang plano ng GMA-7 for me—siya ang kumakausap.”
Kailan ba plano ni Winwyn sumali sa Binibining Pilipinas?
“Depende sa kanya [Jonas] actually… talagang siya mismo ang magdedesisyon kung okay ba o hindi.”
Twenty years old pa lang ngayon si Winwyn at posibleng hinog na siya sa susunod na taon ng patimpalak ng Binibining Pilipinas.
Pero ayaw magbigay ng assurance ni Winwyn kung puwede na siyang sumabak.
“Bahala na po. Si Jonas kasi ang magdedesisyon kung puwede na ba ako.”
Hindi ba siya naiinggit kapag pinapanood niya ang mga kandidata na rumarampa sa Binibining Pilipinas?
Sabi ni Winwyn, “Kapag tinitingnan ko sila, 'Shocks! Ang gaganda nila, gusto ko ng ganyan…'
“Wala, e. Tingnan natin kung kailan ako makakasali… sana soon.”
NO CONTRACT. May ilang taon nang talent ng GMA-7 si Winwyn kaya tinanong namin siya kung may kontrata na siya sa network.
“Wala po akong kontrata sa GMA… wala po akong kontrata sa network, program contract lang po talaga.
“Yun po ang pag-uusapan kung bibigyan ba o hindi [ng projects],” sabi ng anak nina Alma Moreno at Joey Marquez.
Ano ang bago niyang project?
“Wala po. Sa ngayon, wala pa… Party Pilipinas pa lang yung show ko.
“Kasi nga, inaayos kung bibigyan ako ng shows o hindi. Depende pa sa kung saan ako lulugar.”
Okay ba kay Winwyn ang ganitong set-up ng career niya na meron siyang show, minsan wala?
Tugon niya, “Siyempre hindi. Kung papipiliin ako, mas gusto ko yung tuluy-tuloy.
“Pero if ganito talaga, kung kailangang maghintay, no problem sa akin.”
MOM ALMA’S AFFAIRS. Ang lagay naman ng kanyang inang si Alma Moreno ang kinumusta namin kay Winwyn.
“Ayun, busy sila ni Daddy [Joey Marquez], sa eleksyon, nagka-campaign.”
Tumatakbo muli bilang councilor ang kanyang ina sa Parañaque, samantalang ang kanyang ama ay tumatakbo bilang congressman sa parehong siyudad.
“Actually, ako rin every night, sumasama ako sa campaign nila,” banggit ni Winwyn.
Kumusta na ang health ng mommy niya?
“Oo nga, e. Pinu-push niya ang sarili niya. As in kahit sinasabi namin sa kanya na magpahinga siya, ayaw niya… gamot lang.
“Hindi naman niya nakakalimutan yung gamot niya.”
Kasal na si Alma kay Marawi City Mayor Sultan Fahad “Pre” Salic.
Mayos pa rin ba ang pagsasama ng dalawa? May mga bali-balita kasing hiwalay na raw ang dalawa.
Sabi naman ni Winwyn, “Oo, sila pa rin. Pero actually, hindi talaga sila nagkikita at all.
“Wala pa naman kasing kinu-confirm ang mommy ko. Pero alam ko hindi sila talaga nagkikita ngayon—at all.”
Gaano katagal na silang hindi nagkikita?
“Yun ang hindi ko sure. Nag-uusap lang sila sa phone. e. Pero matagal-tagal na ring hindi sila nagkikita.
“Pero sila pa… pero nag-uusap sila sa phone.”
Hindi niya tinatanong ang mommy niya sa status ng relasyon nito kay Mayor Salic?
“No, ayaw ko na siyang i-stress!” sabay tawa nang malakas ni Winwyn.
“Pagdating sa mga ganyan, sabihin mo na lang sa akin, ayoko na siyang tanungin pa… ang i-stress pa.”
