Lusot na si Aga Muhlach sa usapin ng pagiging residente ng Camarines Sur.
Ito ay matapos magdesisyon ang Court of Appeals na ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng ilang residente ng San Jose sa naturang probinsiya na kumukuwestiyon sa residency ni Aga sa naturang lugar.
Ang ibig sabihin nito ay legal at puwede nang tumakbo ang matinee idol sa pagka-congressman sa fourth district ng Camarines Sur.
Hiningi kasi ng ilang San Jose residents na tanggalin mula sa voters' list ng CamSur ang pangalan ni Aga at asawang si Charlene Gonzalez.
Kung mangyayari kasi iyon ay magiging tagilid ang pagtakbo ni Aga sa nasabing lugar dahil nakasaad sa Saligang Batas na kailangang registered voter ng nasabing distrito ang sinumang gustong tumakbong district representative.
Bukod kay Aga, pati ang asawa niyang si Charlene ay kinilala ring registered voter ng Camarines Sur.
Sa ulat ng interaksyon.com kahapon, Lunes, April 22, ikinasiya raw ni Aga ang naging hatol ng CA na kumilala sa kanya at sa kanyang asawa bilang mga lehitimong botante ng San Jose, CamSur.
Makakalaban ni Aga si Felix Fuentebella, anak ng incumbent congressman ng distrito na si Representative Arnulfo Fuentebella.
Sa official statement ni Aga, sinabi nitong sana magkaroon ng honest and peaceful election sa kanilang distrito sa Mayo 13.
Dagdag pa ni Aga, “Charlene and I welcome this very good and timely news. I’m calling and expressing our gratitude to all our supporters for their prayers during all those trying moments which we could not have overcome without their much needed concern and prayers.”
"I call upon all our constituents, including our political detractors, to join hands in ensuring a clean and honest election and let the people decide the leaders of their choice.”
