Naaksidente ang Kapuso actor na si Aljur Abrenica sakay ng kanyang bagong sasakyan noong Huwebes ng umaga, May 16, pauwi sa bago niyang tahanan sa Scout Fernandez, Quezon City. Bagamat malaki ang sira ng kanyang kotse ay hindi naman nasaktan ang aktor.

Photo: Nikko Tuazon

Tahimik si Aljur Abrenica sa kumalat na balitang nagkaroon ito ng vehicular accident noong Huwebes, May 16, sakay sa bago niyang kotseng Dodge Challenger.

Halos isang buwan pa lang itong bagong kotse ni Aljur na hiniram pa nung nakaraang Asian premiere ng Fast and Furious 6 na ginanap sa SM-MOA Centerstage.

Sinakyan pa ng Hollywood actor Vin Diesel ang kotseng iyon at pagkatapos isoli kay Aljur, ginamit ito ng Kapuso actor kinabukasan.

Ayon sa road manager ni Aljur na si Daryl Zamora, pauwi na ang young actor nung umagang iyon.

Paliko na ang aktor sa Scout Fernandez, Quezon City kung saan ito nakatira, nang biglang may sumulpot daw na motor kaya iniwasan ito ng aktor. Ngunit bumangga naman siya sa poste, at malaki raw ang sira ng naturang kotse.

Mabuti at wala namang nangyaring masama sa aktor at safe naman daw ito.

Ang ikinagulat pa raw ni Aljur, tinawagan siya ng GMA-7 broadcaster na si Arnold Clavio para kumpirmahin kung totoo ang nangyaring aksidente. Pero itinanggi ito ng StarStruck alumna sa sobrang taranta.

Hanggang kahapon, May 18, ay umiiwas pa rin si Aljur na pag-usapan ito at hindi na ito makontak ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Nakumpirma naman muli ng PEP ang nangyaring aksidente kay Aljur mula sa kasintahan nitong si Kylie Padilla na nakausap namin pagkatapos ng Party Pilipinas kanina, May 19.

Kuwento ni Kylie, nalaman na lang daw niya pagkatapos ng aksidente nang tinawagan na siya ni Aljur.

“Nagalit ako nun, kasi alam naman niya na ang tamang speed, e, tapos hindi nag-iingat. Parang roller coaster kasi sa bilis yun.

“Mabuti na lang safe na siya at wala namang nangyari sa kanya. Pero sirang-sira daw ang kotse.

“Kasi nag-alala din ako, dahil ang daming nagmamahal sa kanya, tapos naaksidente dahil lang sa kotse,” saad ni Kylie.

Nung nakausap daw niya si Aljur pagkatapos ng aksidente, okay na ito kaya hindi rin siya gaanong natakot. Pero nag-aalala pa rin daw siya.

“Masaya naman siya dahil walang nangyari sa kanya,” sabi pa ng Kapuso young actress.