Kabilang sa mga diumano’y ginamit ang kanilang pork barrel sa bogus projects ay sina (mula kanan) Senators Ramon “Bong" Revilla Jr., Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Ferdinand Marcos Jr., at Gringo Honasan.

Photo: Noel Orsal, Sany Chua, File Photo

Limang senador at 23 kongresista ang diumano’y naglagak ng kani-kanilang pork-barrel funds sa sinasabing ghost projects ng dummy non-government organizations, na umabot sa halagang P10 bilyon sa nakalipas na 10 taon.

Ito ay ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer ngayong araw, July 15.

Ang impormasyong ito ay galing daw sa dokumentong isinumite sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa dokumento, si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang nangunguna sa listahan ng mga mambabatas na ginamit diumano ang kanilang pork barrel sa nasabing scheme na ibinunyag umano ni Janet Lim-Napoles, president at chief executive officer ng JLN Corp., isang trading firm.

Ibinigay raw ni Revilla ang access sa kanyang Priority Development Assistance Fund o pork barrel nang 22 beses sa nasabing firm na dummy NGOs na binuo ni Napoles at nakarehistro sa Securities and Exchange Commission.

Sumunod kay Revilla sina Senator Juan Ponce Enrile (21 beses); Senator Jinggoy Estrada (18 beses); Senator Ferdinand "Bongbong
 Marcos Jr, (apat na beses); at Senator Gringo Honasan (isang beses sa maliit na halaga).   

Ayon sa pangunahing whistle-blower na si Benhur Luy, dating empleyado ni Napoles, hindi kabilang si Senator Loren Legarda sa nasabing scam taliwas sa mga naunang report.

“There was an attempt, but I heard she was dropped because she scrutinized it and she was very keen on receipts,” sabi ni Luy.

Iniulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Pebrero ang pagkakasangkot nina Senators Revilla, Estrada, at Enrile sa paggasta ng kanilang pork barrel sa bogus organizations.

(Read: COA says Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, and Bong Revilla used pork barrel for bogus organization)

Ang pork barrel o PDAF ay ang pondong ibinibigay sa mga mambabatas na galing sa buwis ng mga mamamayan, na siya namang ginagamit ng mga mambabatas para sa government projects.

Gayunpaman, gaya ng mga nakalipas na taon, patuloy pa rin ang pagiging kontrobersiyal ng pork barrel dahil ito umano ang nagiging ugat ng korapsiyon sa mga mambabatas; na sa halip na ilaan ang pondo sa pagsasagawa ng mga government projects ay ibinubulsa umano ang malaking bahagi nito.

Ang isang senador ay may P200 milyon para sa kanyang pork barrel kada taon.


SENATORS’ REACTIONS. Bilang reaksiyon sa pagkakasangkot ng pangalan niya sa diumano'y scam, sinabi ni Senator Estrada na magbibigay siya ng komento kapag napag-aralan na niya ang affidavits na nasa pangangalaga ng NBI at pagkatapos niyang pag-aralan ang sitwasyon.

Nanawagan naman si Estrada na paimbestigahan ang nasabing isyu upang alamin kung sinu-sino ang mga nakinabang.