Walang sama ang loob ni Mike Tan kahit hindi siya nakapasa sa audition para sa role ni Tom Rodriguez sa My Husband’s Lover. Aniya, “Hindi, masaya ako para sa show. Kaya ako wala doon, kasi para kay Tom yun, kasi kung manghihinayang ako para sa akin, ang pangit, parang nagiging bitter ako.”

Photo: Noel Orsal

Bilang isa sa mga lider ng sindikato ang ginagampanan ni Mike Tan sa afternoon soap ng GMA-7 na Mga Basang Sisiw. Malaking pagkakaiba sa mga ginagampanan niyang papel noon.

Pero ayon sa StarStruck 2 winner, masaya siya sa kanyang role.

“Okay naman ako, masaya naman ako.

“At saka ang mahalaga naman sa akin, may trabaho ako.

"Masaya kasi bago ang mga kasama ko, mga bata.

“Masaya na nakakatrabaho sila, nakakatuwa rin minsan na mga bata, minsan gusto mong bigyan ng pointers.

“Pero nakakahiya rin, baka sabihin nagmamarunong ako.

“Pero gusto ko rin kasi parang nakikita ko rin yung sarili ko dati.

“Pero kung ikukumpara ko sila sa akin noon, hindi ko sila mapapantayan, hindi ko sila matatapatan dahil magagaling sila.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mike sa taping ng Mga Basang Sisiw sa isang subdivision sa Antipolo City noong August 2.



SUPPORTING ROLE. Naging leading man na si Mike sa mga nakaraan niyang teleserye sa GMA-7. Ayos lang ba sa kanya na hindi siya leading man sa Mga Basang Sisiw?

Sagot ng Kapuso actor, “Never naman pong nag-matter sa akin ang leading-man status.

“Ang importante naman sa akin, may trabaho ako. Kasi, di ba, empleyado lang ako ng GMA?

“Under ako ng GMA. Kung ito ang ibibigay sa aking trabaho, tatanggapin natin.

“Kung hindi ko nakuha yung My Husband’s Lover na pinag-audition-an ko at pinag-audition-an din ni Tom [Rodriguez], tatanggapin ko, kasi nag-audition tayo.

“Si Tom ang nakuha, ibig sabihin, para sa kanya ang role. Hindi para kay Mike Tan.”