"I wouldn't have known," sagot ni Senator Jinggoy Estrada sa tanong kung alam ba niya na ang mga endorsement niya ng pork-barrel fund ay napunta sa bogus projects ni Janet Lim-Napoles.

Photo: Sany Chua

Pabor si Senator Jinggoy Estrada sa pagpapa-imbestiga sa kontrobersiyal na P10-billion pork-barrel scam na pasimuno umano ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Limang senador at maraming kongresista ang nadadawit sa nasabing scam, at isa si Estrada sa mga senador na itinuturong nakinabang dito.

Sa report ng ABS-CBN News, kinunan ng reaksiyon ang senador tungkol sa pagsilip sa non-government organizations (NGOs) na nakinabang umano sa pork-barrel scam.

Tugon ng actor-politician, "Gusto ko lang malaman sa mga kinauukulan kung saan talaga napunta 'yong para sa ating magsasaka dahil ang ating mga magsasaka, mga kababayan nating mahirap, sila mismo ang nagre-request sa aking tanggapan na sila ay mabigyan ng ayuda."

Itinanggi rin ni Estrada na nagkaroon siya ng business dealings kasama si Napoles.

Sinabi ni Estrada na “acquaintance” lamang sila nila Napoles at nagkita lamang sila sa parents’ meetings sa school, kung saan magkaklase ang anak niya at ang pamangkin ni Napoles.

Sinabi rin ng senador na hindi niya alam kung ang mga Priority Development Assistance Fund (PDAF) endorsements na pinirmahan niya noon ay napunta kay Napoles.

"I wouldn't have known," aniya.

Sinabi rin ni Estrada na walang responsibilidad ang mga mambabatas na i-verify kung mayroong mga NGO na nakatanggap ng kanilang PDAF o pork barrel na nagkakahalaga ng milyun-milyong pisong pondo na allocated sa kanila taun-taon.

Ayon kay Estrada, trabaho ng Department of Agriculture na i-check ang NGOs na tumatanggap ng pondo mula sa pork barrel.  

"It is not up to the senators to determine whether an NGO is bogus or not," ani Estrada sa mga reporter noong Huwebes, August 15.

"Alangan naman na kami pa ang magsasabi na, 'Uy, bogus 'yan.' How will we know?"

Idinagdag pa ni Estrada na ang ginagawa lamang ng mga mambabatas ay iendorso ang NGOs na may mabuting intensiyon.  

Samantala, sa isang hiwalay na panayam ng The Philippine Star kay Estrada, sinabi niyang hindi siya papayag na sumailalim sa mababang kapulungan ng Kongreso “just in case they are going to investigate us.”

Pero paniniguro niya, “I will subject myself to my peers in the Senate.”