Nagulat daw si Gerald Anderson nang kunan ang love scene nila ni Dawn Jimenez para sa OTJ dahil talaga raw nakahubad ang kanyang kapareha.

Photo: Noel Orsal
Hindi itinanggi ni Gerald Anderson ang mga rebelasyon ng direktor na si Erik Matti sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa naging reaksiyon ng young actor bago kunan ang sex scene nila ni Dawn Jimenez para sa pelikulang OTJ.
 
Ayon kay Direk Erik, hindi alam ni Gerald na nakahubad talaga si Dawn sa love scene nila.
 
 
Sa mini-presscon na ipinatawag ng Star Cinema para kina Gerald, Dawn, Piolo Pascual, Empress, at Rayver Cruz kahapon, August 25, sinabi ni Gerald na hindi siya agad nakakilos bago kunan ang eksena.
 
Kuwento niya, “Nagulat ako. Siyempre, hindi ko ini-expect na gano'n pala dahil sanay ako sa mga ginagawa sa TV na mas tame, mas maingat, kumbaga, pagdating sa sexuality.
 
“Pero the way na syinut [shoot] ni Direk Erik Matti, really amazing. 
 
"Hindi magwu-work yung storyline ko as Daniel kung hindi mangyayari yung eksena namin.
 
“It was really amazing. Napakaimportante nun talaga.”
 
Kumusta naman ang love scene nila ni Dawn?
 
“Ay, eight hours lang siya,” nangingiting sagot ni Gerald.
 
Bakit ganun katagal inabot ang shoot ng eksena nila?
 
“Nagla-lovemaking," pabiro niyang sabi.
 
“Hindi, kung paano syinut ni Direk, iba’t ibang anggulo, iba’t ibang shot.
 
“Dalawang camera pa yun. May mga ibang shots na gumagalaw. "
 
"Pero may mga shots na sa halik, kung paano siya hawakan.
 
“It’s my first time talaga kaya nagulat ako. Hindi naman ako gumagawa ng ganong eksena, e.”
 
 
FIRST TIME. Ayon kay Direk Erik, gusto raw pumikit ni Gerald sa love scene nila ni Dawn.
 
Itatanggi sana ito ng nagbibirong si Gerald, pero pag-amin niya, "E, siyempre, first time ko yun and as much as possible, gusto kong maging kumportable si Dawn dahil hindi talaga madaling eksena.”
 
Since first time niya na gumawa ng isang daring scene, nagkaroon ba siya ng "sleepless nights"?
 
“A, hindi naman... sleepless moment lang!” biro niya.
 
Ito rin daw ang unang pagkakataon na makakita si Gerald ng isang hubad na babae sa eksenang gagawin niya.
 
Saad ng Kapamilya actor, “Kaya nga ginawa ko ang lahat para lang makumportable siya sa eksena namin kasi talagang hindi madali. 
 
"Akala mo pag pinanood mo, madali lang. Pero sa execution, mahirap talaga.”
 
Bukas na ba siyang gumawa ng daring scenes sa mga susunod niyang pelikula?
 
“It has to be na kasing importante nung eksena na yun,” sagot niya.
 
 
DAWN BREAKS UP WITH ALBIE. Sa hiwalay na panayam ng press kay Dawn sa mini-presscon ay inamin niyang dahil sa sex scene nila ni Gerald ay nakipagkalas siya sa dating boyfriend na si Albie Casiño.
 
Si Albie ay dating ABS-CBN talent at ex-boyfriend ni Andi Eigenmann.
 
Dinig na dinig ni Gerald ang mga rebelasyon ni Dawn tungkol sa breakup nito kay Albie.
 
Reaksiyon dito ni Gerald, “Ngayon ko lang narinig 'yan. Gulat na gulat ako sa mga naririnig ko.”
 
Depensa naman niya sa komento ng press na siya pala ang rason ng breakup ng kapareha niya at ni Albie, “Hindi, napakasuwerte namin dahil pumayag si Dawn sa ganung klaseng eksena. 
 
"Totoo, e. Nangyayari talaga sa totoong buhay, e. Alam naman natin na may ganun sa totong buhay.
 
“Pero yung tungkol doon, ngayon ko lang nalaman 'yan.”
 
Ano naman ang naging reaksiyon ng girlfriend niyang si Maja Salvador sa mainit na eksena nila ni Dawn?
 
Natawa si Gerald at saka sinabing, “Wala naman. She’s still supportive. Supportive naman siya.”


CONVICTED CRIMINAL. Isang convicted criminal ang role ni Gerald sa OTJ na lumalabas lang ng kulungan para pumatay ng target. Nahirapan ba siyang gampanan ang role niya sa movie?
 
Tugon niya, “Mahirap, na-challenge talaga ako.
 
"Pag napanood ninyo, malalalam ninyo kung bakit. 
 
"Kahit ako nung napanood ko, hindi ko ini-expect na ang ganda talaga.”
 
Kung si Gerald ay isang hitman na pinapalabas lang ng kulungan para tumumba ng target, ang role naman ni Piolo ay isang NBI agent na tumutugis sa kanya.
 
Hindi ba naramdaman ni Gerald na parang naungusan niya si Piolo dahil mas mabigat ang role niya?

Sagot ng former PBB Teens housemate, “They could find any other actor na gumanap bilang Daniel. Pero ang sa akin, you can’t find any other role para kay Piolo at kay Joel [Torre]."

Gaano kalaki ang nagawa ng OTJ sa pagiging isang aktor niya?

Ayon kay Gerald, “Feeling ko, mas lumalim pa po. I mean, nasa inyo naman po yun kung paano ninyo ire-review.

"But ako, as an actor, lumalim yung pagkatao ko.

"Hindi madaling trabaho ang pag-aartista.”



CANNES. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Gerald sa positive feedback mula sa mga nanood ng pelikula nang ipalabas ito sa Directors' Fortnight section ng Cannes International Film Festival.

Sabi niya, “Yung reaksiyon nung mga tao sa mga last scene namin sa pelikula, gulat na gulat sila, umiiyak sila.

"Nakakatuwa kasi parang, 'Bakit gano'n?' Yun ang reaksiyon nila.

 
“Nakakatuwa kasi maraming foreigners na nagtatanong, 'Why?'
 
"Pero siyempre, we really would love the movie to make it in the box-office, sana kumita. 
 
"Kaya kami ganado dahil gusto talaga naming kumita ito.
 
"It’s really an amazing film, e. Napakaganda talaga.”
 
Pagmamalaki pa ni Gerald sa kanilang pelikula, ginastusan daw talaga ito nang husto.
 
"Ako po, nagulat ako. I’ve never shot a movie na parang bawat ano is really specific sa set."


USED TO PRISON. Base sa takbo ng susunod na teleserye ni Gerald sa ABS-CBN, ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin, mukhang nalilinya siya sa tough characters.
 
Sa bago niyang soap ay makukulong din si Gerald at magiging ex-convict dahil napagbintangang nang-rape.
 
Kuwento niya, “Pini-frame up ako na ni-rape ko si Diana [Zubiri].  Pini-frame up ako ni Rayver [Cruz].
 
"Pero dahil sa OTJ, naging kumportable ako sa Bukas Na Lang Kita Mamahalin dahil for a while, nag-set din sa kulungan. 
 
"So, at home na ako. Sanay na ako sa mga kulungan.”
 
Natutuwa nga raw si Gerald dahil nalilinya siya sa mga action project.
 
Pagmamalaki niyang sabi, “Idol ko po talaga si Jackie Chan, e. Ginagaya ko dati pati sa accent niya.
 
"Sana nga makagawa rin ako ng mga action na may comedy, yung mala-Mr. & Mrs. Smith
 
"And I think after this movie, kayang-kaya ng Star Cinema 'yan.”
 
 
PHOTO SCANDAL. Tinanong din ng PEP si Gerald tungkol sa kumalat na larawan diumano ng young actor kung saan aktong umiihi siya at nakalabas ang kanyang ari.
 
Sabi ng 24-year-old actor, “Natawa talaga ako! Alam ko naman kasi sa sarili ko na hindi ako yun. 
 
"Pero nakakatuwa rin kasi... di ba? Yun bang parang, in a way, parang kamukha ko nga nung nakatalikod. 
 
"But siyempre, hindi ako talaga.”
 
Patuloy ang pagkakangiti ni Gerald sa paghahalintulad sa bracelet niya at sa bracelet ng lalaking nasa larawan.
 
May pagkakahawig sa kanya ang back view ngng lalaking umiihi sa larawan, pero masyado raw itong maputi kumpara sa pagiging moreno ng balat niya.
 
“Saka ano... ayaw kong sabihin. Wala. Wala,” makahulugan niyang sambit.
 
 
CHARITY WORK. Samantala, sa gitna ng pagiging abala ni Gerald bilang aktor at endorser, naisisingit pa rin niya ang kanyang charity work.
 
Pagbabalita pa niya, “May benefit game kami sa September 1. It’s called Hero Ball para sa Hero Foundation, sa mga orphans na anak ng mga sundalo. 
 
"Namatay sila [mga sundalo] pero may mga naiwan silang mga anak na gustong mag-aral, pero siyempre wala tayong benefits sa mga ano...
 
“Kung anuman yung kikitain ng Hero Ball will go to the orphans para maipagpatuloy nila yung pag-aaral nila.”
 
Tungkol naman sa school na ipinapatayo ni Gerald sa Davao Oriental, naumpisahan na raw ang construction nito ngayong taon.
 
“Ongoing pa siya. Ang ginagawa sa ngayon yung canteen and playground. Pero yung mga classrooms, tapos na.
 
“Dalawang beses na akong nakapunta doon.
 
"Etong Kadayawan, nag-show ako sa Davao. Pero bago ako nag-show, I came early para pumunta doon.”