Naglabas ng statement si Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng isang artikulo na nagsabing naaresto siya sa airport ng San Francisco dahil sa pagdala ng malaking halaga ng pera. Bagamat totoong may lumabas ngang ganung artikulo, ito ay mula sa isang satirical website, na gumagawa ng mga katatawanan o imbentong istorya na halaw sa mga totoong mga isyu.

Photo: Noel Orsal

Itinanggi ni Senator Jinggoy Estrada na "naaresto" siya sa San Francisco International Airport dahil daw sa pagdala ng malaking halaga ng pera.

Sa pamamagitan ng kanyang staff ay nagpadala ng mensahe ang senador sa GMA News online kaninang umaga, November 5.

Aniya, "My staff called me at 5:00 am to inform me that there is an article circulating in facebook that i have been arrested in the US for bringing in huge amount of US$. That is absolutely NOT TRUE. I've been seen by a number of filipinos and were happy to see me and even took pics of me. That story is incredible to say the least."

Bagamat tooong may lumabas na artikulo tungkol sa "pagkakaaresto" ni Senator Estrada, ito ay galing sa satirical website na So, What's News?

May tagline pa ang website na ito na: "News that won’t make you depressed to read the news."

Ibig sabihin, hindi totoo ang mga istoryang inilalathala rito.

Gumagawa sila ng istorya halaw sa mga totoong isyu o pangyayari, ngunit ang intensiyon nila ay aliwin lamang ang mga mambabasa.

Na-post ang istoryang "Jinggoy Estrada Arrested After Trying to Smuggle Money Inside His Breasts to US" kahapon, November 4.

May nag-repost nito sa Facebook hanggang sa kumalat na nga ito.

Matatandaang paalis ng Pilipinas si Senator Estrada noong November 2 papuntang U.S. upang humingi ng second opinion sa natagpuang bukol sa dibdib ng asawa niyang si Precy Ejercito.

Natuluyan man siyang umalis ay hindi kasabay ng senador na umalis ng bansa ang kanyang misis.

Susunod na lamang daw si Precy sa November 8 dahil may mga aasikasuhin pa ito sa Pilipinas.