Sa bagong inilabas na CCTV (closed-circuit television) footages ng National Bereau of Investigation (NBI), ipinakita ang larawan (kaliwa) nina Vhong Navarro at Deniece Cornejo na sabay sumakay ng elevator paakyat sa unit ng huli sa Forbeswood Heights Condominium, sa Bonifacio Global City, Taguig, noong January 17, 2014.

Noong madaling-araw naman ng January 23, makikitang hinalikan ni Cedric si Deniece sa elevator (kanang larawan), ilang minuto matapos nilang ipa-blotter si Vhong sa Southern Police District (SPD).

Photo: Screen Grab from Bandila

Kagabi, February 13, ay naglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong CCTV (closed-circuit television) footages kaugnay ng pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro.

JANUARY 17. Sa CCTV footage na kuha noong January 17, Biyernes—ang unang pagdalaw ni Vhong sa modelong si Deniece Cornejo sa Forbeswood Heights Condominium—makikitang sabay na sumakay sa elevator sina Vhong at Deniece, bago mag-10 p.m.

Ngunit nilinaw ng NBI na ang oras na makikita sa CCTV footage ay atrasado ng halos 40 minutes.

(All photos: Screen grab from Bandila)

Makalipas ang tatlong oras, madaling-araw ng January 18, Sabado, makikitang sumakay muli sa elevator si Vhong, pero hindi na niya kasama si Deniece.

JANUARY 22. Sa CCTV footage naman na kuha noong January 22—ang gabing nabugbog si Vhong—makikitang mag-a-alas diyes y medya ng gabi, o halos tatlumpong minuto bago dumating si Vhong, nauna nang sumakay ng elevator si Bernice Lee, kapatid ni Cedric Lee, kasama ang dalawang lalaki.

(Si Bernice Lee ang babaeng nakatalikod sa camera.)

Makalipas ang ilang minuto, makikitang muling sumakay ng elevator si Bernice, pero mag-isa na lamang ito.

Sa salaysay ni Vhong sa Buzz Ng Bayan noong January 26, sinabi niyang ilang sandali pagdating niya sa condo unit ni Deniece ay may dalawang lalaking lumabas at tinutukan siya ng baril.

Lahad ni Vhong, "Pagbigay ko ng food, papunta ko sa sofa, bigla siyang lumabas.

"Pagharap ko, palabas na siya, may lumabas ng dalawang lalaki na nakatutok sa akin ang baril.

“'Tapos, lumabas na si Cedric... Cedric Lee.”

Read: Vhong Navarro identifies alleged masterminds behind mauling incident